MATAPOS ang apat na araw ng pananahimik, nagpasya ang Department of Justice (DOJ) na panghimasukan ang gulo sa loob ng gusali ng senado.
Sa isang pulong balitaan, ibinahagi ni Justice Fredderick Vida ang pagbuo ng special panel of prosecutors para magsagawa ng masusing case build-up investigation kaugnay ng mga insidenteng naganap sa loob o malapit sa Senado mula Mayo 11 hanggang Mayo 14.
Inatasan din ng Kalihim ang Philippine National Police – Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO), National Capital Region Police Office (NCRPO), Pasay City Police at National Bureau of Investigation (NBI) na magsumite ng ebidensya sa nangyaring gulo sa senado — sa loob ng 48 oras.
Naglabas din ng direktiba ang DOJ sa Senate Sergeant-At-Arms na ipadala sa ahensya ang CCTV footage, ballistic at paraffin test results, at mga salaysay ng mga saksi.
Maging ang mga mamamahayag na nasa loob ng senado sa nakalipas na apat na araw na isumite ang mga kuha ng video, larawan at iba pang ebidensyang makakatulong sa panel.
“At this time, the investigation is ongoing. The Department definitely will not prematurely assign liability or validate public claims until all evidence has been fully evaluated,” pahabol ni Vida.
