SA gitna ng sigalot bunsod ng labis na pamumulitika, malaking bentahe sa sambayanan ang sabayang paninindigan ng iba’t ibang religious groups na nagnanais na malampasan ang hamon sa pagsulong ng impeachment charges laban kay Vice President Sara Duterte.
Para kay House Committee on Higher and Technical Education Chairman at Tingog partylist Rep. Jude Acidre, higit na kailangan ng bansa ang gabay ng ng mga lider ng simbahan at iba pang religious organizations.
“Sa panahon ng kaguluhan at pag-aalinlangan, panalangin ang naging matibay nating sandigan,” bungad ni Acidre sa idinaos na Mass for Peace and Accountability sa EDSA Shrine, kung saan naging main presider si Navotas Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr.
“Habang hinaharap natin ang political crisis, lalo na sa gitna ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at ang mga kamakailang marahas na pangyayari sa Senado, patuloy tayong kumakapit sa kalooban ng Diyos at sa pag-asa na ang katotohanan, katarungan, at kabutihan ay mananaig,” sambit ng ranking House official.
Kasama ni Acidre sa dumalo sa naturang misa sina Akbayan Partylist Rep. Percival Cendaña, Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima, Manila 3rd District Rep. Joel Chua, Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor, at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon. Sina De Lima, Chua, Defensor at Ridon ay kabilang sa 11-man House prosecution team na haharap sa Senate impeachment trial.
Ani Acidre, malaking papel ang ginagampanan ng Simbahan at higit itong nagiging mahalaga sa gitna ng pangamba, galit at mainit na usaping pulitika na nararanasan sa bansa.
“Dito at ngayon, higit natin nakikita ang kahalagahan ng kalinga ng Simbahan at ng pangunguna ng mga taong Simbahan. Sa gitna ng takot, galit, at pagkakahati, ang kanilang tinig ay nagpapaalala sa atin na may landas ng kapayapaan, paghilom, at pananagutan,” giit ng partylist solon.
“Sa kanilang paggabay, mas naging malinaw na ang pananampalataya ay hindi lamang takbuhan sa oras ng krisis, kundi lakas upang harapin ito nang may tapang, malasakit, at pag-asa.”
