SA gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa, hindi dapat palampasin ng mga lokal na pamahalaan ang pagkakataon makakuha ng pondong pwedeng gamitin upang makaagapay sa epekto ng climate change.
Panawagan ni Abra lone district Rep. JB Bernos sa mga local government units (LGU), hingin ang kanilang bahagi ng People’s Survival Fund (PSF) mula sa national government.
“With two weeks left until the deadline, we still have time to apply for the PSF for projects that could protect the food security of our communities and make our agriculture sector better able to withstand the effects of our worsening climate,” wika ni Bernos, na ranking member ng House agriculture committee.
Kamakailan lang nang maglabas ng anunsyo ang Department of Finance (DoF) sa nalalapit na deadline (Mayo 29) para makapagsumite ang mga LGU ng aplikasyon para sa PSF.
Paliwanag ng Abra solon, ang PSF ay isang national financing mechanism na itinatag bilang climate adaptation projects para makadagdag sa regular budget capacities ng LGUs, sa gayon ay makaagapay sila iba’t-ibang epekto climate change sa pamamagitan ng targeted interventions.
Ang LGUs na pasok sa panuntunan para sa naturang dagdag-pondo ay pipili kung alin sa water resource management, land management, agriculture and fisheries, health, infrastructure, at natural and coastal ecosystems protection programs na nais ipatupad sa nasasakupang lokalidad.
“The harsh reality is that despite recognizing the importance of climate adaptation programs, many LGUs, especially those most vulnerable to extreme weather events, simply do not have the funds to implement these projects,” ayon kay Bernos, na nagsimula ang political career bilang Sangguniang Kabataan federation president, councilor, vice mayor at mayor ng La Paz municipality bago naging kinatawan ng Abra sa Kamara.
“Kaya’t napakahalaga po ng PSF sa pagtulong sa mga LGU na makalikha ng mga proyektong poprotekta sa mga komunidad nila,” giit niya.
Turo pa ni Bernos sa LGUs, pwede rin makahingi ng tulong sa Climate Change Commission, panig ng academe, at maging sa iba’t-ibang non-government entities na may technical expertise sa pagbalangkas ng proposal.
