WALANG mabuting idudulot sa bansa ang patuloy na bangayan sa hanay ng mga mambabatas ng senado, ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega V, kasabay ng panawagan bigyan ng oras at atensyon ang pag-usad ng impeachment trial.
“Sa amin gusto namin talagang mag-ayos na sila para mag-settle na yung dust. Then we can go on with business as usual. At syempre po yung trial natin na ang tagal po inaantay na ng taong bayan ‘yan,” pahayag ni Deputy Ortega sa “Insiders” podcast nina former presidential spokesperson Edwin Lacierda at former Akbayan Partylist Rep. Barry Gutierrez.
“Well, maraming naaayos kasi sana sa huddle kesa umabot sa ganoon. Pero ‘yun nga po medyo mainit ng konti, pero sabi ko at the end of the day siguro mas maganda maayos na rin po nila para umpisahan na po yung regular business and the impeachment trial as well,” bulalas pa ng kinatawan ng La Union.
Sa mga nakaraang araw, magkakasunod ang mainit na kaganapan sa Senado simula sa tangkang pag-aresto kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na nauwi pa sa pagpapaputok ng baril; pagpapatalsik kay Senator Vicente “Tito” Sotto III bilang senate president; pagnanais na buhayin ang blue ribbon investigation sa flood control scandal at hirit na payagan ang teleconference sa pagdalo sa sesyon at online voting na humantong sa walk out ng minorya.
“Very fluid. Fluid yung situation nila. Syempre naka-focus kami, may hinahabol po tayo na LEDAC bills. So, multi-tasking po talaga sa House ngayon, hindi lang naman po sa impeachment but individually the prosecutors are preparing,” lahad ni Ortega.
Ayon kay Ortega, mas dapat isipin ng Senado at Kamara ay ang pagkakaroon ng maayos na ugnayang walang bahid ng partisan politics — para gampanan at tapusin ang trabaho — pagpapatibay ng mga priority bills, at pagsisimula ng pinakahihintay na impeachment proceedings.
Dismayado ang ranking House official sa ibinatong alegasyon ni Senador Imee Marcos.
Una nang ibinisto sa Imee ang nilulutong “no-election” scenario na posibleng magpalawig sa termino ng Pangulo sa 2-28.
“Wala naman po tayong ill will towards them. Ang gusto po natin ma-settle na po yung issues, yung mga concerns nila. Kasi magkakatrabaho po kami ng mga yan. At the end of the day, gusto mo yung mga bills, yung mga batas, yung mga measures na importante, kailangan ipasa na po lahat yan.”
