PARA tiyakin lubos na mauunawaan ng mga mamamayan ang alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte, bumaba sa komunidad ang mga miyembro ng House Prosecution Team para talakayin ang mga kasong kinakaharap ng pangalawang pangulo.
Bilang pambungad, unang tinungo ng mga kongresistang tatayong tagausig sa impeachment trial ang ang Iloilo, Tacloban City at La Union.
“Basically, siguro, to help people understand the impeachment more on the ground level, local government, sa mga kasamahan,” ayon Deputy Speaker Paolo Ortega V.
“We actually started last week, meron sa Iloilo, sa Tacloban. Ako, I had the press conference, all Ilocano press conference last Sunday na purely Ilocano po kasi iba rin po ‘yun,” dagdag ng mambabatas.
Ani Ortega, mahalaga ang grassroots communication dahil may mga hindi pa rin lubos na maintindihan ang impeachment process at mayroon din kumikilos para lituhin at guluhan ang isipan o pananaw ng mga mamamayan hinggil dito sa pamamagitan ng pagkakalat ng fake news, disinformations at paggamit ng troll farms.
Tiniyak naman ng La Union solon na maingat at disiplinado ang paraan ng pakikipagtalastasan sa iba’t-ibang komunidad dahil hindi maiiwasan na mayroong panig na iba ang alalahanin o mas gustong pag-usapan at punto.
Subalit natutuwa naman ang House prosecution team na mas marami pa rin ang nagpapahayag ng kanilang interes at pagtanggap na makilahok sa diskusyon patungkol sa impeachment process.
Patunay aniya ito na hindi totoong walang pakialam o hindi interesado ang mga ordinaryong mamamayan sa usapin ng accountability o pagpapanagot sa sinumang matataas na opisyal ng pamahalaan na gumawa ng kamalian at katiwalian.
“Well, siyempre, accountability and good governance parang concern talaga, magiging concern dapat lahat ng mga tao. Siyempre, minsan nabubulag tayo sa fanfare, sa mga antics, sa mga iba-ibang pakulo ng politika,” aniya pa.
Samantala, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na paghahanda ng House prosecution panel, sinabi ni Ortega na mayroon na rin binubuong ‘teamplay’ katuwang ang panig ng private lawyers.
Animo’y isang koponan ang public at private prosecutors na kinakailangang mag-jell at may team work para maging matagumpay sa mabigat na responsibilidad na kanilang gagampanan sa pagharap sa impeachment trial.
“Siyempre mabigat ang paghahandaan nila. Mabigat din ang defense team. Naghahanda po sila (prosecutors). Individually, I think they’re going to be preparing as a group as well,” ayon pa kay Ortega.
Garantiya ni Ortega, seryoso ang paghahanda ng prosekusyon at tinitiyak ang tamang galaw sa pagdinig dahil hindi lamang Senate impeachment court ang kikilatis sa kanila kundi maging ang publiko.
