HINDI pinalampas ng Palasyo ang pasaring ni Vice President Sara Duterte na ang gulo sa senado ay sumasalamin sa klase ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang mabuting naidudulot sa bansa ang patuloy na paninira ni VP Sara sa gobyerno.
Para kay Castro, ang paulit-ulit na kasinungalingan ang dahilan kung bakit patuloy na lumulubog ang Pilipinas.
Habang nagtatrabaho aniya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., abala ang pangalawang pangulo sa paggawa ng mga naratibo.
Paalala ng Palace official, nahaharap ang bansa sa krisis sa langis at lindol sa Mindanao na dapat pagtuunan ng pansin ni Duterte.
“Habang ang Pangulo ay patuloy na nagtatrabaho para ayusin at mabigyan ng mga tulong para mapaganda ang buhay, ang Bise Presidente ay patuloy sa paninira at binabago ang naratibo,” ani Castro.
Nanindigan din si Castro ang mga nangyaring gulo sa senado ay pawang naglalayon protektahan si VP Sara sa napipintong pagpapatalsik sa pwesto sa bisa ng impeachment.
Kabilang sa mga binanggit ni Castro ang putukan sa loob ng Senate building, pagsulpot at pagtakas ni Senador Bato Dela Rosa, at maging ang kudeta sa mataas na kapulungan.
