PARA sa isang partylist congresswoman, malaking bentahe ang paglalaan ng pondo para tustusan ang edukasyon ng mga nais maging guro.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Solid North partylist Rep. Ching Bernos ang paglulunsad ng Teacher Education Scholarship Program (TESP) na aniya’y sagot sa kakulangan ng guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
“The Teacher Education Scholarship Program could prove crucial in encouraging outstanding high school graduates to go into the teaching profession and help ensure that we have excellent teachers in the future,” pahayag ni Bernos.
Pinuri rin ng Solid North partylist solon ang programang bahagi ng flagship initiative ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., base na rin sa itinatakda ng Republic Act 11713 (Excellence in Teacher Education Act of 2022).
Ayon kay Bernos, layon ng RA 11713 na ibayong mapalakas ang hanay ng mga guro sa pamamagitan ng pagkakaloob ng sapat na kaalaman at kasanayan, gayundin ang pagtataas ng pamantayan sa teaching profession.
Hinggil naman sa TESP, sinabi ni Bernos na ito ay mayroong kaukulang pondo na P103.32 million na magkatuwang na pamamahalaan ng Department of Education-Teacher Education Council (DepEd-TEC) at ng Commission on Higher Education (CHED), sa pamamagitan ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (USFASTE) ng huli.
Nabatid naman kay Education Secretary Sonny Angara na 720 estudyante mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa ang makikinabang sa unang arangkada ng nasabing programa.
Giit ni Bernos, dapat paglaanan ng mas malaking halaga ang TESP sa mga susunod taon upang tugunan ang pagdagsa ng mga benepisyaryo — at makahubog na rin ng mas marami pang mahuhusay na guro.
“We need topnotch teachers if we want to provide top notch education to all,” bulalas ng mambabatas na miyembro ng House Committee on Higher and Technical Education.
Garantiya ni Bernos, isusulong ang dagdag pondo para sa naturang programa sa sandaling isalang sa Kamara ng panukalang 2027 national budget.
“Ilalaban po natin ito, at ang iba pang pangangailangan sa higher education sector na makakatulong sa pagtugon sa learning crisis sa ating bansa.”
