PARA sa isang militanteng mambabatas, walang lugar sa Pilipinas ang isang diplomatikong walang ginagawang tama.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Akbayan partylist Rep. Perci Cendaña si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na aniya’y mas mainam kung palalayasin na lang dahil sa kawalan ng silbi.
Ginawa ng kongresista ang pahayag bunsod ng magkasunod na insidente sa West Philippine Sea kung saan muling nagpamalas ng pagiging marahas ang Chinese Coast Guards.
Ayon kay Cendaña, hindi katanggap-tanggap ang pagpalo sa ulo ng isang kawani ng Philippine Navy at yaong pambobomba (gamit ang water cannon) sa barko ng Pilipinas ng mga Chinese Coast Guards, sa loob pa man din ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
“A whole three days after the Chinese ambassador was called to Malacañang to speak with the President the Chinese Coast Guard harassed our PCG and BFAR personnel assisting Filipino fishers in Bajo de Masinloc,” ani Cendaña.
Una nang pinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Quan kasunod ng pag-atake ng mga Tsino sa Philippine Navy sa Ayungin Shoal na naging dahilan ng pagkasugat ng isang sundalo.
Matapos ang naturang insidente, muling umatake noong Huwebes ang mga Chinese Coast Guards sa Bajo Masinloc.
“Either the ambassador is engaged in double-speak or he can’t make guarantees on his government’s behavior. Ano pa ang silbi ng pananatili niya dito? I-expel na kasi yan,” giit ni Cendaña
