HINDI bababa sa 25 testigo ang nakatakdang iprisinta ng House prosecution panel sa sandaling simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, kinumpirma Manila Rep. Joel Chua na inihahanda na ng lupon ng tagausig ang hanay ng mga testigong magbibigay patunay sa mga alegasyong nakapaloob sa Articles ng Impeachment ng isinumite ng Kamara noong nakaraang buwan.
Gayunpaman, hindi nagbigay pa ng ibang detalye si Chua sa pagkakakilanlan o posisyon sa gobyerno ng mga saksi.
Ang tanging nasabi lamang ni Chua — karamihan sa prosecution witnesses ay maglalahad ng testimonya sa usapin ng maling paggamit ng confidential funds at pagkakaroon ng unexplained wealth ng bise presidente.
Dagdag pa ng chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kinokonsidera rin ng prosecution team ang pagsama sa ilang high-profile witnesses na hindi na muna niya pinangalanan.
“May mga kinu-consider pa po kami. Pero as of now, hindi pa namin pwedeng i-disclose dahil pinapa-finalize pa lahat ito. But when the proper time comes, siguro ide-divulge din po namin,” ani Chua.
Samantala, ipinabatid ng mambabatas na kasado na ang kanilang pre-trial brief, na pormal na isusumite sa Senate impeachment court sa Lunes, Hunyo 15.
Pagmamalaki pa ni Chua, ang mas pinaghahandaan ng prosecution team ang itinakdang July 18 pre-trial conference.
“By Monday due po kami para magsumite ng aming pre-trial brief at sa June 18, dito na po gaganapin ang pre-trial conference,” saad pa niya.
Ani Chua, pre-trial conference na itinakda ng Senado ay hindi bukas sa publiko. Hindi rin pinapayagan ang live media coverage.
“Dito po magkakaroon ng stipulation of facts, marking of evidence, at dito rin po ilalahad ang mga magiging testigo namin kung sino-sino. Ito po ginagawa to prevent surprises pagdating na po sa trial proper,” paliwanag ng Manila solon.
“Kami po ang nandoon. Parte po ng defense ang mga defense lawyer ni Vice President. At kami po, kasama ang mga private prosecutor,” dagdag ni Chua.
Samantala, muling pinaalala ni Chua na isa lamang sa apat na nilalaman ng Articles of Impeachment na ang mapatunayan ang kailangan para tuluyang mapatalsik sa pwesto ang nasasakdal.
“So ang kailangan naman namin ay isang conviction sa article. Hindi po kailangan conviction sa lahat ng articles… isa lang doon, ma-convict po siya, tapos na po yung trial.”
