SA hangarin tuluyang patalsikin sa pwesto si Alan Peter Cayetano bilang lider na senado, dalawa pang senador ang umano’y ginagapang na lisanin ang minorya para pumanig sa senate majority.
Sa isang panayam sa radyo, inamin ni Senador Erwin Tulfo ang patuloy na panunuyo sa dalawang mambabatas — isang babae at isang lalaki.
“May hinikayat na aside from Senator Joel, may dalawa pa isang lalaki sa babae kung mahihikayat,” wika ni Tulfo.
“Pero ongoing naman yung ika nga usapan bilang mag kaibigan… pag dinner, ika nga kumakain sa labas para mag-usap o dadalaw doon sa bahay ng isa para ika nga makapag-usap. Pero wala pa talagang malinaw na ika nga resulta doon sa pag-usap,” paliwanag ng mambabatas.
Bagamat naghayag na si Senador Joel Villanueva na dadalo sa special session sa Miyerkules, hindi naman aniya tiyak na papanig sa mayorya ang mambabatas na nahaharap din sa posibleng pag-aresto bunsod ng umano’y pagkakasangkot sa flood control scandal.
“Kami po ay nagpapasalamat in advance kay Sen. Joel, for sabi niya na mag-attend siya kung may special session at sana. At sana pati yung iba na rin ay um-attend na rin siguro para ika nga matapos magampanan namin yung aming mga trabaho,” ani Tulfo.
“Ayoko namang pangunahan siya [Villanueva]. Kung ano yung sinabi niya sa mga pahayagan na sinabi niya na mag-attend siya kami ay natutuwa dahil magkakaroon na talagang 13 katao. Pero yung boboto siya ng Senate President, wala pang linaw. So nakaantabay lamang kami,” dugtong ni Tulfo.
“Pero ongoing naman ang mga dialogue ng mga kaibigan niya na nasa grupo namin. Normal naman yan na mga barkada niya dito sa majority, kinakausap siya at kinukumbinsi. Pero wala pang malinaw na balita,” sambit pa niya.
Paglilinaw ni Tulfo, hindi hangad ng mayorya palawakin ang grupo kundi tiyaking dadalo ang mga senador sa sesyon para talakayin ang mga nakabinbin panukala at resolusyon sa Senado.
“Ang kailangan lang namin pumasok sila para magkaroon tayo ng sesyon matapos yung mga panukalang batas,” pahabol ni Tulfo.
