NAPAPANAHON nang tuldukan ang pamamayagpag ng political dynasties, gayundin ang paggamit sa pwesto para sa sariling interes.
Ito ang buod ng pahayag ni House Speaker Faustino Dy III, kasunod ng paghahain ng panukalang batas na naglalayon walisin ang mga abusadong politiko sa Kongreso.
Sa ilalim ng House Bill 9906 (New Partylist System Act), partikular na puntirya ni Dy ipagbawal ang paglahok ng kamag-anak ng mga nakaupong politiko, gayundin ang mga kontratista, sa partylist election.
Paglilinaw ni Dy, ang naturang panukala ay bahagi aniya ng isinusulong na modernisasyon ng electoral system ng bansa kung saan higit aniyang dapat tutukan ang “democratic representation” lalo na sa sangay ng lehislatura.
Ayon sa pinuno ng Kamara, pangunahing nilalaman ng proposed New Partylist System Act, ang probisyon humahadlang sa nominasyon ng mga indibidwal na may ‘koneksyon’ sa nakaupong mambabatas, government contractors.
“Ang partylist system ay nilikha upang palawakin ang representasyon, hindi upang palawakin ang kapangyarihan ng iilang pamilya,” anang House Speaker.
“Kung tunay tayong naninindigan para sa isang mas bukas, mas patas, at mas inklusibong demokrasya, dapat natin tiyakin na ang partylist system ay nananatiling tapat sa orihinal nitong layunin na bigyan ng boses at pagkakataong makilahok sa paggawa ng batas ang mga sektor at komunidad na kulang sa representasyon.”
Nakasaad sa naturang panukalang batas na sinumang indibidwal na may relasyon hanggang sa second degree of consanguinity or affinity sa isa miyembro ng Senate o House of Representatives ay hindi pahihintulutan maging nominado — higit lalo tumayong partylist representative.
Diskwalipikado rin sa pamantayan panukalang New Partylist System Act ang mga incumbent elective officials na may-ari o kasosyo ng mga kumpanyang may kontrata sa gobyerno.
Bawal din tumakbo sa partylist ang mga katatapos lang ng three-term limit.
