PARA sa militanteng kinatawan ng Kabataan partylist group, walang ibang pwedeng sisihin sa pagiging marahas ng mga kabataan kundi si former President Rodrigo Duterte.
Sa isang kalatas, sinang-ayunan ni Kabataan partylist Rep. Renee Co ang mga sentimyento ng mga mamamayan sa social media.
Ayon kay Co, si Duterte ang dahilan kung bakit nagiging bayolente ang mga kabataan — tulad ng dalawang menor de edad na walang habas na namaril sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Tacloban City kamakailan.
“May effect ang culture of immunity sa pag-iisip ng kabataan that’s present in the terms of President Duterte. I argue na way back na hanggang noon ay gayundin ‘yung effect,” sambit ni Co sa isang ambush interview sa Kamara.
“I found kapag ang Pangulo ay nagmumura at nagsasabi na babaril, papatay… may epekto sa pag-iisip ng kabataan,” dugtong ng militanteng mambabatas.
Partikular na tinukoy ni Co ang pagmumura ng dating Pangulo sa tuwing lumalabas sa telebisyon, gayundin ang pang-aalipusta ni Duterte sa Santo Papa at maging sa Diyos.
Malaki rin umano ang epekto ng mga talumpati ni Duterte sa kasagsagan ng giyera kontra droga ng pamahalaan.
Para tiyakin na wala nang mahahawa sa karahasan ng dating pangulo, marapat lang umano patalsikin sa pwesto sa bisa ng impeachment si Vice President Sara Duterte para hindi na makatakbo bilang pangulo sa 2028.
‘So ito bahagi ng sinasabi natin efforts natin to end the culture of immunity. Ito rin yung reason kung bakit sa isa sa articles of impeachment kay VP Sara Duterte. Yung isa doon na kino-consider natin na impeachable offense ay yung sinasabi niyang may kinontrata siya para patayin ang isang tao, much less the President of the Philippines,” ani Co.
“Ayaw natin na makita ng kabataan bilang ehemplo si VP Sara.”
