WALANG anumang kinalaman ang napipintong pagdakip kay Senador Rodante Marcoleta sa nalalapit na pagdinig ng Senate impeachment court sa kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, ibinasura rin ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang agam-agam na bahagi ng plano ang paghahain ng kaso para hindi na makadalo sa impeachment trial si Marcoleta.
Giit ng beteranong mambabatas na tumatayong House Prosecution panel spokesman at impeachment trial adviser, mismong ang Office of the Ombudsman nagbigay linaw na ang reklamo laban kay Marcoleta ay batay sa pag-amin ng senador.
Una nang kinumpirma ni Marcoleta ang pagtanggap ng kabuuang P75 million mula sa tatlong kaibigan bilang pondo sa kampanya sa nakaraang 2025 national elections.
Gayunpaman, hindi idineklara ng senador sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at maging isinumiteng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec) ang naturang ‘donasyon.’
“Nirerespeto ko yung kanyang (Marcoleta) opinion. In fact, karapatan niya yan na ganyan ang kanyang paniniwala. Kaibigan po natin yang si Sen. Marcoleta, Pero para sa akin, personally, walang kinalaman dito sa impeachment na ito yung kasong kakaharapin niya,” sabi pa ni Barbers.
Paliwanag ng former Mindanaoan solon, umaksyon lamang ang Office of the Ombudsman sa pag-amin ni Marcoleta, kasabay ng giit na hindi angkop bahiran ng pulitika ang pag-amin sa pagkakasala.
“Sabi ng Office of the Ombudsman, nanggaling sa kanya ang admission o revelation. At dahil sa information na yan, umakto immediately and government anti-graft body about it. So that’s another problem that must be resolved by Sen. Marcoleta. But this has nothing to do with the impeachment trial of VP Sara Duterte,” paliwanag ni Barbers.
Aniya, haka-haka lang aniya ang pag-uugnay sa impeachment proceedings at problemang legal na kinakaharap ng senador.
“The Senate impeachment proceedings involving Vice President Duterte should not be confused with the legal issues confronting individual senators, maintaining that both processes should be allowed to proceed independently and in accordance with the law,” punto ng dating ranking House official.
“This has nothing to do with the impeachment trial of VP Sara Duterte.”
