MATAPOS ang makailang ulit na pagtanggi sa alok na pamunuan ang oposisyon, tila nagbago na ang isip ni dating Vice President at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo.
Sa ulat na unang lumabas sa pahayagang Abante, usap-usapan na umano ang posibleng pagkandidato ni Robredo sa nalalapit na 2028 presidential elections.
Batay sa sinasabing sources, kinumpirma umano ng dalawang hindi pinangalanang alkalde mula sa lalawigan ng Sorsogon ang plano ni Robredo na tumakbo sa susunod na pampanguluhang halalan.
Binanggit din umano ng impormante ang paghahanda ng pamahalaang lungsod ng Naga sa pagsampa ng vice-mayor na tatayong alkalde sa sandaling ihayag ni Robredo sa susunod na taon ang pagtakbo sa posisyon ng pangulo ng bansa.
Makailang ulit nang sinabi ni Robredo na hindi wala na siyang plano kumandidato sa anumang national position.
Taong 2022 nang kumandidato si Robredo sa halalang pampanguluhan, subalit tinalo siya ni Ferdinand Marcos Jr. na tumakbo sa ilalim ng tinaguriang UniTeam na nawasak matapos kumalas si Vice President Sara Duterte.
