IMBES na magtatalak laban sa administrasyon, hinimok ng isang kongresista si Vice President Sara Duterte na direktang sagutin ang mga kinakaharap na kaso tulad ng katiwalian at hindi maipaliwanag na dami ng pera sa bangko.
House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua si Vice President Sara Duterte na direktang sagutin na lamang ang kinakaharap na impeachment charges, kabilang ang maling paggamit ng P612.5 million confidential funds at pagkakaroon ng P6.7 billion bank transactions.
“Matagal nang nag-aantay ang ating mga kababayan na maging mas maayos itong bansa. Matagal na rin pong nag-aantay ang ating mga kababayan na sagutin niya (Duterte) ang issue kung sino si Mary Grace Piattos,” pambungad na banat ni Manila Rep. Joel Chua.
“Matagal na rin pong nag-aantay ang ating mga kababayan na siya po ay humarap at sagutin niya lahat ng mga alegasyon sa kanya sa impeachment,” dugtong ng kongresistang miyembro ng House prosecution panel.
Hinamon din ni Chua ang bise presidente na magpaliwanag sa isiniwalat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa P6.7-billion bank transactions.
“Matagal na rin pong nag-aantay ang ating mga kababayan sa sagot niya kung saan po nanggaling yung transaction na nagkakahalaga ng P6.7 billion na inilabas po ng AMLC. ’Yan po muna ang sagutin niya bago po siya magsabi na kami ay namumulitika lamang,” bwelta ni Chua.
Kinontra rin ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, miyembro ng House prosecution, ang aniya’y hindi makatwiran at maling paglalarawan ni VP SAra sa pamahalaan.
“Hindi rin naman po ito totoo… marami pong iba’t ibang interventions na ginagawa ng pamahalaan para tutukan ang iba’t ibang mga pang-ekonomikong usapin na kinakaharap ng ating bayan,” diin ng mambabatas.
Giit niya, hindi tumitigil ang gobyerno sa pagpapatupad ng iba’t-ibang programang naglalayon mapabuti ang buhay ng bawat ordinaryong mamamayan, kabilang ang pagtaas sa minimum wage sa iba’t-ibang rehiyon, gayundin ang pagtiyak na ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa ay ramdam ng mas maraming pamilyang Pilipino.
“Hindi po totoo na consumed by politics lang po yung ginagawa ng ating pamahalaan. May aktwal na pagtugon doon sa mga batayang usapin at tingin ko nakatutok po yung pamahalaan sa mga bagay po na ito,” sabi pa ni Ridon.
Ang pahayag ng dalawang tagausig sa impeachment trial kay Duterte ay tugon nila sa panibagong atake ng bise presidente na nagsabing dapat umanong tutukan na lamang ng pamahalaan ang pagpapanatili ng peace and order, pagpapabuti sa ekonomiya at paghahatid ng serbisyo sa taumbayan sa halip na pamumulitika.
