KINASTIGO ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin ang umano’y pambu-bully sa mga miyembro ng House prosecution panel ng mga supporter ni Vice President Sara Duterte.
Panawagan ni Garin sa publiko, wag patulan ang mga panatiko kasabay ng giit na tutukan na lamang ang paglalatag ng mga ebidensya laban sa pangalawang pangulo.
“Unang una, ikinagugulat ko bakit ba tayo pumupunta sa ganung kababa ng discourse?” mariing sabi ni Garin.
“Andyan na ‘yung impeachment court. Ipagpatuloy, tuldukan at sagutin ang mga dapat sagutin. Huwag ilihis. Let us avoid personal attacks. Let us focus on the issue at hand,” pahayag ng ranking lady House official.
Ani Garin, hindi katanggap-tanggap at malinaw na isang personal na pag-atake at online bullying ang social media posts at memes na kumalat matapos ang unang linggo ng impeachment trial.
Partikular na ang pangungutya ng Duterte supporters kina lead prosecutor Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro at prosecution counsel Amando Virgil Ligutan.
“Hindi rin natin pwedeng i-focus sa laway o kung anuman ’yan, kasi ang tanong doon, tama ba ang sinasabi nila? Nagsisinungaling ba ‘yung ating mga abogado at ‘yung ating mga prosecutors? Ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin?” depensa ni Garin sa dalawang tagausig.
“Hindi! Kailangan bang pagtawanan ‘yan? No! It’s actually bullying. The prosecutors are just doing their job,” dugtong ng kongresista.
Umapela naman ang Iloilo solon sa publiko na tigilan ang pagpapakalat ng maling impormasyon at paninira, sa halip ay mas bigyang atensyon ang pagtalakay sa merito ng mga isinampang reklamo laban sa bise presidente.
