PINUNA ni Senador Panfilo Lacson ang aniya’y paulit-ulit na ‘palabas’ ng mga bigating personalidad sa tuwing sumasabit — ang pagpapa ospital para hindi dalhin sa piitan.
Partikular na tinukoy ni Lacson ang kaso nina dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at Senador Rodante Marcoleta, na kapwa nahaharap sa magkahiwalay na kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.
Kasalukuyang naka-confine sa Philippine National Police General Hospital (PNP-GH) sina Bonoan at Marcoleta.
“Since time immemorial, ganyan lagi nangyayari pag may pina-contempt kami sa Senado, ang bagsak lagi sa ospital. Kapag meron naaresto, ang bagsak sa hospital, naglalabasan ang sakit once na lumalabas ang warrant,” wika ni Lacson sa panayam sa radyo.
“Nakakakita tayo ng pattern… kapag ang tao hindi pangkaraniwan, sa halip na sa pangkaraniwang kulungan napipiit, ang takbo sa hospital.” dagdag niya.
Una nang nagpasaring ang mambabatas sa social media kung saan niya ipinaskil ang isang ‘paalala’ — “WARNING: Bawal magkasakit. Mahal ang gamot. Bawal magka-‘warrant.’Baka magkasakit.”
Kinuwestiyon din ng senador na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya bago pumalaot sa pulitika, kung sino ang sasagot sa gastusin sa pananatili nina Bonoan at Marcoleta sa PNP-GH.
Giit ni Lacson, para lamang umano sa mga pulis at kanilang pamilya ang naturang pagamutan — “Isang issue diyan, ang PNP-GH may sariling pondo… sino ang magsho-shoulder ng gamot at ward o ng kwarto? Ang pagkakaalam ko, hindi naman dependent si Bonoan, hindi dependent ng PNP si Sen. Marcoleta,” ani Lacson.
“At may PNP member na nade-deny ng space sa PNP-GH. Minsan din nabibigyan ng kwarto pero bakit ang hindi dependent nandoon, sino gumastos doon?”
Babala ni Lacson, sisilipin ng senado ang detalye sa gastusin ng naturang pagamutan sa sandaling simulan ang deliberasyon sa 2027 proposed national budget.
