WALANG panahon ang lupon ng tagausig sa pakikipagdebate sa usapin ng voting threshold para tuluyang mahatulan si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay former Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, mas nakatuon ang oras at atensyon ng House prosecution sa paglalatag, pagpapatibay at pagpapalakas sa mga ebidensya kaugnay sa nilalaman ng Articles of Impeachment na isinampa laban kay Duterte.
“Well, maraming schools of thought, maraming opinion na lumalabas tungkol dito sa threshold na ito, and the prosecution is not involved in the political arithmetic, so to speak,” ani Barbers, na umaaktong spokesperson at adviser to the House prosecution.
“So again, we’re not involved in the calculations, whatever number there is. We’re not involved in political arithmetic. What we intend to do is just ilatag itong ebidensya, pagtibayin, palakasin ang ebidensya tungkol doon sa alegasyon na nakasaad doon sa Articles of Impeachment.”
Partikular na tinukoy ni Barbers sa likod ng “political arithmetic” ang bilang ng mga senator-judges na kailangan para pagtibayin ang impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kailangan ang two-third votes o 16 sa hanay ng 24-Senate member judges para sa tuluyang patalsikin at idiskwalipika si Duterte sa anumang posisyon sa gobyerno.
Sa kasalukuyan, tatlong senador ang hindi makakadalo sa paglilitis sa bise presidente dahil sa mga kinakaharap na kasong kriminal — sina Ronald Dela Rosa, Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta.
Ayon naman kay private prosecution counsel at spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa, hindi nagbabago ang kanilang prayoridad sa impeachment trial, ang makabuo ng “airtight case”.
“At this time, our position on this is consistent from the very start, we don’t engage in vote counting. Today ang priority namin dito is to establish an airtight case. Siguraduhin natin ang kaso natin, this will be backed by solid evidence,” sabi pa ni Tolosa.
Binigyan-diin ni Tolosa na nirerespeto ng prosekusyon ang pananaw na kinakailangan din maidulog at maresolba sa Korte Suprema ang usapin.
Positibo naman ang pananaw ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa lumalawak na diskusyon tungkol sa political arithmetic o voting threshold.
“I think ’yung issue ng threshold is an indication how important this impeachment trial to the public is,” sambit ni Alonto Adiong.
“Nagpapakita lang ito gaano ka importante na itong Senado at ’yung taong bayan na gusto nilang matapos ’yung proseso na walang magiging hadlang or legal na problema pagdating doon sa punto na sila na ang korte na magbibigay na ng kanilang judgment,” dagdag pa niya.
