“NOBODY gets intimidated,” ang tahasang tugon ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa haka-hakang mawiwindang umano ang mga tagausig sa Senate impeachment court kapag sumipot sa paglilitis ang nasasakdal na si Vice President Sara Duterte.
“Ang pinag-uusapan dito ’yung proseso ng trial, yung pananagutan ng trial. Ang pinag-uusapan po rito ay paano ilatag ang proseso, paano ilatag ang kaso, paano sagutin ang kaso,” pahayag ni Alonto Adiong
Aniya, “matagal nang panawagan ng taumbayan na pumunta siya (Duterte) kasi this is her trial at marinig sa kanya kung ano ’yung mga kasagutan nila dito sa kaso na pinipresenta against her ng prosecution.”
“Siya naman po ’yung nagsasalita from the very start na ready na po sila sumagot ng kaso. So we take that as a sign that she will take this her case, her trial seriously by attending in the coming days sana.” Sabi pa ng Lanao del Sur solon.
Giit naman ni former Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers, isa rin sa House prosecution spokespersons at trial adviser, walang anumang epekto sa gawain ng impeachment court na dinggin ang testimonya ng mga testigo at busisiin ang iba pang mga ebidensya sinuman ang nasa paglilitis.
“Hindi naman makakaapekto ’yun. Dahil as we always say and always state that the prosecution team is prepared to do their direct examination sa witnesses at mga ebidensyang inilatag natin,” ayon pa kay Barbers.
“So, kahit sinong umattend, wala naman pong epekto ’yan sa pag-conduct ng direct examination doon sa ating witnesses,” dugtong niya.
Muling ipinunto ni Barbers na pabor sa taumbayan at mamamayang Pilipino ang makikinabang sakaling dumalo ang bise presidente sa pagdinig dahil maririnig na wakasa ang sagot ng huli sa mga kinakaharap na paratang.
“Sa aking palagay, mas makakabuti na umattend ang ating pangalawang pangulo nang sa gayon, marinig natin kung ano ang sagot doon sa mga alegasyon na inilatag dito sa Articles of Impeachment na inihain ng ating House of Representatives,” ani Barbers.
Sinabi rin ni Legal spokesperson at House prosecution counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na hindi natitinag ang kinasang trial plan sumipot man o hindi ang impeached official.
“Again, regardless of who will be there, respondent or anyone else, the strategy of the prosecution remains the same, that we’ll present evidence in a proper and efficient and effective manner,” ani Tolosa.
“At the very least, this will show that she’s finally heeding the call of the people, asking her to show respect to the constitutional process and to the impeachment court by facing these charges in person, and letting the people hear how she will answer these serious allegations,” dagdag niya.
Para kay Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, malaking bagay kung lulutang sa impeachment trial ang akusado dahil matagal nang inaabangan at nasa tamang forum naman para masagot nito ang mga katanungan at kinakaharap na kaso.
“Thank you ha, nakadalo ka sa trial of the century. So, thank you po ma’am, salamat,” kantyaw ni Ortega.
