MARIING itinanggi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang alegasyon ng mga militanteng organisasyon hinggil sa umano’y pagharang sa hiling na magdaos ng kilos protesta sa harap ng Saint Peter Parish sa Quezon City kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ng pangulo sa Lunes, Hulyo 27.
Nilinaw ni NCRPO spokesperson Hazel Asilo na walang kapangyarihan ang pulisya mag-apruba ng mga lugar na pagdarausan ng demonstrasyon.
Aniya, walang basehan ang paratang na ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kasabay ng giit na limitado lang sa seguridad ng mga raliyista at pagpapanatili ng kaayusan ang trabaho ng mga pulis.
Giit ng mga tagapagsalita ng NCRPO, mga lokal na pamahalaan ang tanging may awtoridad na mag-apruba ng rally permits at magtalaga ng lugar na pagdarausan ng kilos-protesta.
Paglilinaw ni Asilo, hindi na pinapayagan ang mga demonstrasyon sa Saint Peter Parish noon pang mga nakalipas na taon.
