PARA sa pamunuan ng Philippine Reclamation Authority (PRA), higit na malaki ang magiging ambag ng reclamation sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay PRA chairman Alexander Lopez, hindi lang buwis ang inaasahang papasok sa gobyerno, kasabay ng giit sa daang-libong trabaho mula sa mga negosyong itatayo sa naturang distrito.
Aniya, maingat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-apruba ng mga proyekto. Bilang patunay, binanggit ni Lopez ang umiiral na suspensyon sa pagproseso ng bagong aplikasyon — partikular sa Manila Bay.
Sa kasalukuyan, apat na ongoing projects na lamang sa Manila Bay ang binigyan ng basbas ng gobyerno — dalawa sa Pasay, isa sa Maynila at isa sa Bacoor City.
Tuloy rin ang 12-hectares expansion ng Navotas Fish Port.
Paliwanag ni Lopez, nakasentro ang naturang hakbang sa tinawag niyang “environmental development” upang tugunan ang pagsisikip sa Metro Manila bunsod ng paglobo ng populasyon.
