TULUYAN nang inihain ng special investigating panel ng Office of theOmbudsman ang isang supplemental complaint laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Cong. Zaldy Co, at iba pang indibidwal.
Rekomendasyon ng special panel of investigators, kasong kriminal laban sa dating lider ng Kamara, Co at iba pa, kaugnay ng umano’y P56-bilyon kickback sa mga government infrastructure at flood control projects mula 2022 at 2025.
Kabilang sa mga asuntong tinutulak ng panel ang plunder, direct bribery at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nakasaad din sa 104-pahinang supplemental complaint ang rekomendasyon para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Money Laundering Act.
Bahagi ng mga isinumiteng dokumento ang documentary at testimonial evidence kaugnay ng mga cash delivery, salaysay ng mga testigo, at mga corporate transactions nina Romualdez, Co, at iba pang respondents.
Idinetalye rin ng special investigating panel ng Ombudsman ang pagsisingit ng flood control projects sa National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Act (GAA), gayundin ang proseso ng pag-apruba, bidding, at implementasyon ng mga proyekto na umano’y ginamit sa kickback scheme.
Tampok sa ebidensya ang testimonya ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.
Bahagi rin ng sinasabing ebidensya ang mga testimonya at larawan ng pagdedeliver ng mga maletang kargado ng pera sa mga ari-ariang iniuugnay kay Romualdez — Forbes Park sa Makati, Horizon Homes sa Bonifacio Global City, Aguado Street sa Maynila, at Valle Verde sa Pasig.
