LALO pang ibinaon ng gobyerno ang isa sa mga itinuturong sangkot sa tinaguriang flood control scandal, matapos sampahan ng kasong tax evasion ang Sunwest Incorporated na pagmamay-ari ni dating Ako Bicol Congressman Zaldy Co.
Batay sa kasong inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ), sumabit ang kumpanya ni Co dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis. Sumabit din ang Sunwest matapos mag-apply ng creditable withholding tax credits sa Income Tax Return para sa mga taong 2019 hanggang 2024.
Lumabas din sa pagsusuri ng ahensya na itinago ng Sunwest ang kita mula sa mga proyektong nasungkit mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), National Power Corporation (NPC), at Philippine Ports Authority (PPA).
Damay din sa kaso ang pangulo ng Sunwest Incorporated na si Aderma Angelie Alcazar at ang corporate treasurer na si Cezar Buenaventura.
