ISA-ISANG tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang mga nagawa ng administrasyon sa nakalipas na apat na taon — gayundin ang mga nais na matupad sa nalalabi niyang termino.
Sa kanyang talumpati, na tumagal ng isang oras at 26 minuto, unang tinalakay ni Marcos ang isyu ng flood control anomaly.
“Isang taon na ang nakalipas mula noong huli akong tumayo rito, upang ilantad ang katiwalian na nadiskubre namin sa mga flood control projects,” bungad niya.
“Gaya ng aking pinangako sa inyo, nagsagawa tayo ng malawakan at malalimang imbestigasyon, na walang pagkiling kahit kanino man. Masusi nating sinuri, at sinundan kung saan tayo itinuro ng ebidensya,” dugtong ni Marcos.
“Lahat ng kailangan gawin ay ginawa natin upang matunton ang puno’t dulo.”
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Marcos at tahasang pinangalanan ang kanyang pinsan, na si former Speaker at incumbent Leyte 1st. District Rep. Martin Romualdez, na makakasuhan.
“At dumating na tayo sa punto na ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker. Masakit man sa akin ito ngunit kailangan nating gawin ang tama.”
“Hindi ako Pangulo ng aking pamilya. Hindi ako Pangulo ng aking kaibigan,” sambit ni Marcos.
“Ako ay Pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo: ang aking mga kapwa Pilipino.”
Ani Marcos, bukod sa pagsasampa ng kaso ay hinabol din ng kanyang administrasyon ang pera at nakamal na yaman ng mga gumawa ng katiwalian sa government infrastructure projects.
“Halos dalawampu’t limang bilyong piso ang halaga ng nabawi, “frozen,” at napreserbang mga pera at ari- arian ng mga akusado. Ang mahigit walong daang milyong piso dito ay agad nating naibalik sa Treasury.” Pag-uulat niya.
“Lahat ng mababawi mula sa mga sangkot na tiwali ay agad ibabalik sa kaban ng bayan.”
Ayon sa Pangulo, malaking tulong ang mga impormasyon at ulat na ipinararating sa ‘Isumbong sa Pangulo,” gayundin ang repormang isinagawa sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Transparency Portal, Integrity Chain, at pagbabantay ng civil society organizations para matiyak na ginagamit ng tama ang pondo at ipinatutupad ng maayos ang iba’t-ibang proyektong pang-imprastraktura.
GLOBAL CRISIS
Ibinida ni Marcos na agarang kumilos ang buong pamahalaan upang tumulong sa mamamayan at maibsan ang mabigat na epekto ng ‘global oil crisis’ dala nang pagsiklab ng giyera ng Estados Unidos, katuwang ang Israel, laban sa Iran.
“Sa katunayan, tayo pa ay hinahangaan ngayon dahil sa bilis, liksi, at pagiging aktibo ng ating pagtugon,” pagmamalaki pa niya.
Gamit umano ang pondong naisalba mula sa aniya’y balak ibulsa ng mga tiwaling opisyal, sinabi ni Marcos na nagpapatupad ang gobyerno ng iba’t-ibang programang direktang napakinabangan ng taumbayan.
Sa pamamagitan ng pagdedeklara ng State of National Emergency, sinabi ni Marcos na inatasan ang lahat ng ahensya na magtipid at magsagawa ng mga hakbang upang makatulong sa misyon na ‘iahon ang ating nahihirapang mga mamamayan.’
Kabilang sa mga ginagawa umano ng administrasyon ay ang pagbibigay ng dagdag na halos P58 billion pondo sa mga lokal na pamahalaan, pagsaklolo sa overseas Filipino workers (OFWs) na naipit sa Middle East conflict, pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang bansa para mapagkunan ng suplay ng langis, oil supply.
Binanggit ni Marcos ang kapakinabangan sa naipasang batas ng Kongreso tungkol sa naturang krisis, gaya ng pag suspinde sa excise tax sa LPG at kerosene at ang pagbibigay ng iba’t-ibang ayuda at suporta sa nasa vulnerable sector.
Tinutukan din umano ng pamahalaan ang pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin partikular ang bigas at iba pang agri-products.
Para mapababa ang gastos sa pagbiyahe ng mga mahahalagang produkto at maiwasang tumaas ang benta nito sa merkado, sinabi ni Marcos na piso na lang ang singil sa pagsakay ng mga kargamento sa Ro-Ro mula dating P500 na terminal fee.
Ang mga trak naman na accredited ng Department of Agriculture (DA) ay libre sa toll fee sa mga expressway.
Halos dalawang milyong magsasaka at mangingisda naman ang nakinabang sa Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) para maibsan ang price-shock sa mga produktong petrolyo.
Sa sektor ng transportasyon, na pinakamatinding tinamaan ng krisis, nabigyan ng tulong ang mga tsuper, operator, pasahero, manggagawa, at maging ang negosyo.
“Ang mga tsuper ay natulungan ng cash relief mula sa ating programang AICS. Mayroon ding sampung piso-kada-litro na diesel subsidy para sa mga pampasaherong jeepney at UV Express upang may dagdag na pangkarga.”
“Para naman sa mga pasahero, nagkaroon ng mga Libreng Sakay, kung saan sinegundahan pa ng ilang mga ahensya ng pamahalaan gamit ang kanilang mga sasakyan.”
“Sa panahon na lumiit ang kita dahil sa mataas na mga presyo, mahigit dalawampu’t anim na libong toneladang bigas ang binigay sa mahigit dalawat kalahating milyong pamilya. At ito’y itutuloy pa natin hanggang umabot sa walong milyong pamilya na makikinabang,” paglalahad din ni Marcos.
Hinggil naman sa bayarin sa kuryente, na nitong nakaraang buwan ng Hunyo ay marami ang nagrereklamo, sinabi ni Marcos na ipinag-utos niya “ang agarang pag-refund ng mga kumpanya ng kuryente na may sobrang nasingil sa mga kustomer nito.”
“Ipinag-utos din natin na payagan ang ilang piling konsumer na makapagbayad ng kanilang bill nang hulugan sa buwan ng Mayo, Hunyo, at Hulyo.”
“Kaugnay nito, pansamantala nating pinagbawal ang mga pagputol ng linya habang hinuhulugan pa nila ang bayaring katumbas na nakomsumong kuryente.
Pangako ni Marcos, “hindi titigil ang pagsuporta ng pamahalaan” at patunay nito ang paglalaan ng mahigit animnapung bilyong piso para maipatupad ang mga nasabing programa hanggang sa katapusan ng taon.
TULONG SA MIDDLE CLASS
Binigyan-diin ni Marcos na hindi kaliligtaan ng pamahalaan ang mga manggagawang Pilipino, “lalo na ang mga middle-class, pati na ang mga maliliit na negosyo” na nabibigatan din sa krisis.
Panawagan ng Pangulo sa Kongreso, magpasa ng batas ng magbibigay ng bahagyang ginhawa sa mga ito partikular sa bayarin sa buwis.
“Una, palawakin natin ang exemption sa income tax. Dagdagan natin ang mga manggagawang malilibre sa buwis sa kanilang kita. Isasama na natin ang mga kumikita ng hindi lalampas sa P350,000 kada taon.”
Gayundin umano ang karampatang pagbaba ng income tax ng iba pang manggagawa.
Nais din ng Pangulo na libre sa ipinapataw na minimum corporate income tax ang mga maliliit na negosyo.
Para mapanatag ang loob ng taong-bayan, sinabi ni Marcos na magkakaroon ng “amnesty para sa mga hindi nabayarang buwis tulad ng income tax, estate, at donor’s tax at value added tax, – kasama na rin diyan ang mga multa na kaakibat ng mga ito.”
TUGON SA KALAMIDAD
Ipinunto ni Marcos ang leksyon ng mga nagdaang buwan, ang pagkakaroon ng seguridad at matatag na suplay ng enerhiya at pagkain, kasama na ang kakayahan ng gobyerno na na agad kumilos sa angkop at mainam na paraan.
“Dala ang mga sariwang leksyong ito, mas maayos at mabilis ang pagresponde natin sa mga naging biktima ng sakuna,” saad ng Pangulo.
“Tulad sa nangyaring paglindol sa Visayas at Mindanao kamakailan. Mahigit anim na raang libong pamilya ang ating nasaklolohan. Lampas tatlong bilyong piso ang ating binuhos para sa agarang tulong sa mga pamilyang lubos na naapektuhan. Ito’y sa pamamagitan ng pagkain, pagpapagamot, tulong-pinansyal, at pabahay.”
Aniya, unti-unting naayos ng pamahalaan ang suplay ng tubig at kuryente, maging ang linya ng komunikasyon, at mga daan sa mga apektadong lugar.
Giit niya, “hindi lamang minsang pag hatid ng tulong ang ating ginagawa. Ang misyon natin ay sila’y muling makabangon at maitaguyod.”
“We have moved on from the reactive approach. Now, we are not only proactive, but predictive as well, aided by digital tools.”
Dahil sa public-private supply chains, hubs-and-spokes warehousing, automated production, at wide scale pre-positioning ng mga food at non-food supply sa mga LGU, naging mas epektibo umano ang paghahatid ng relief supplies.
“We have now established a network — consisting of primary disaster resource centers in Luzon, in Visayas, and soon, in Mindanao; 15 hubs; 76 spokes; and 919 last-mile facilities across the country — which makes up our nationwide disaster response infrastructure. [applause] Because of this robust system, delivery of emergency nourishment and relief to target areas is now made possible within 24 hours.”
Mayroon din umanong Mobile Energy Systems ngayon ang pamahalaan para makapag hatid ng emergency power sa mga lugar na nawalan ng kuryente, habang ang Government Emergency Communications System at private sector-led project, sa kauna-unahang pagkakataon ay makapagbibigay na ng satellite-to-mobile service, para sa uninterrupted telecommunications sa buong bansa kahit sa panahon ng krisis at kalamidad.
MASS TRANSPORTATION
Ayon kay Marcos, sa pagtaas ng presyo ng petrolyo ay, mas marami ang umasa sa pampublikong transportasyon.
“Kaya pinagtutuunan natin nang mabuti ang ating mga tren, mga busways, transport hubs at integrated terminals, at ang pagpapaunlad at pagpapalawak ng mga paliparan at pantalan sa buong bansa. Ito ay upang mas malawak at malayo ang naaabot, tumaas ang kapasidad, at maging moderno at mas maginhawa ang serbisyo.” Sabi niya.
Sa susunod na taon, ipinabatid ni Marcos na tatakbo na ang tren sa pagitan ng Valenzuela City at Malolos City, na bahagi ng North-South Commuter Railway kung saan sisikapin umano ng Department of Transportation (DOTr) na matapos ang kanyang administrasyon ay aabot na hanggang Clark, Pampanga ang naturang railway system.
Target din ang pagbubukas ng 12 stations ng MRT 7 sa susunod na taon, na pakikinabangan ng halos isang milyong pasahero bawat araw lalo na kapag umabot hanggang San Jose del Monte, Bulacan mula North Avenue, Quezon City.
Sa Visayas naman ay bukas na ang Phase 1 ng Cebu Bus Rapid Transit habang ang nasa nasa Ilocos Norte ay pasisinayaan sa susunod na taon.
Upang ma-engganyo ang mga operator na mag-modernized ng kanilang sasakyan, mula sa hybrid ay binigyang prayoridad ang paggamit ng e-vehicles (EVs).
“Consistent with our clean energy drive, we have encouraged the adoption of electric vehicles. We have removed all tariffs on EVs until 2028 to bring down market prices, [applause] and the government has also been mandated to prioritize electric vehicles in their re-fleeting plans.”
Kamakailan ay pinasinayaan ang M/B Dalaray, isa EV na proyekto ng University of the Philippines (UP) at Department of Science and Technology (DOST), na gagamitin sa Pasig River Ferry Service, mula Pinagbuhatan, Pasig hanggang Escolta, Manila sa darating na panahon.
FOOD SECURITY
Upang matiyak ang matatag na suplay ng pagkain at maging mababa ang presyo nito para sa lahat, sinabi ni Marcos na pinalalakas ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura.
“Ang sari-saring mga programa, tulad ng puhunan, farm inputs, kagamitan, kaalaman, pati na insurance ay tumutulong sa mga magsasaka at mangingisda.”
Mula umano noong 2023, tuloy-tuloy ang pagtaas ng produksyon ng palay, mais, asukal, baboy at manok.
Sinabi ni Marcos na gumaganda at lumalawak din ang sakop ng imprastraktura, patubig at mekanisasyon sa naturang sektor.
“Nagbubuklod na rin ang mga magsasaka at mangingisda, at nabibigyan ng makabagong teknolohiya, binhi, at mga pasilidad at kagamitan. Ilan sa mga ito ay ang isandaan at apatnapu’t limang rice processing systems, tatlong malaking cold storage facilities, at halos apatnapung libong makinarya.”
“Ang mga taniman naman ng niyog ay dumadami at lumalawak din, dala ng ating programa ng malawakang pagtatanim sa buong bansa. Nakapagtanim na tayo ng labingwalong milyong puno.”
Ani Marcos, sa pagkatapos ng kanyang termino, makakapag tanim na ng 100 milyong puno ng niyog sa bansa para sa mas matatag na industriya ng niyog.
Dahil naman sa pagbili ng NFA sa mas magandang presyo ng aning palay ng mga lokal na magsasaka, malakas na rin ang buying power at buffer stock.
AMYENDA SA EPIRA
Mismong si Pangulong Marcos ay naniniwalang panahon na para tanggalin ang “system loss” charge na ipinapasa sa electric consumers.
“Pinapasa ito sa consumer at kinakarga sa bill na pinapatungan pa ng value-added tax. Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng system loss.”
“Kaya hindi naman tama na kailangan sila pa ang pagbabayarin dito.”
“Therefore, we, the people, request – no, we demand for the immediate amendment of the EPIRA, [applause and cheers] and to prohibit charging system loss against consumers including the value-added tax thereon,” anang Pangulo.
Ayon sa Pangulo, kailangang paramihin ang pinagkukunan ng suplay ng kuryente, kaya sa kasalukuyan ay binabantayan at tinututukan ng administrasyon ang 200 projects, na may kabuuang kapasidad na 10,000 megawatts.
“Apatnapu’t-lima sa mga ito ay natapos na. Ang tatlumpu’t-isa ay matatapos ngayong taon. At ang isandaan at dalawampu’t apat naman ay inaasahang matatapos hanggang sa 2028.”
Bukod sa power plants na gumagamit ng krudo, mayroong mahigit na 66 planta pa ang gumagana sa pamamagitan ng geothermal, solar, hydro, wind, at biomass.
Inulat din ni Marcos ang extension ng Malampaya service contract hanggang 2039, kung saan muling ipinagpatuloy ang drilling operations sa unang pagkakataon sa loob ng walong taon.
“What we have uncovered is truly a national treasure: an untapped reserve of 222 billion cubic feet of natural gas, which bodes well for the continuous production of our premier gas field until 2034.” Pagmamalaki ng Presidente.
Subalit hindi pa nakokontento dito si Marcos, dahil nais niyang buksan ang nuclear energy production sa bansa.
“After all, we are already using nuclear energy in the fields of medicine, in agriculture, water filtration, and the upcycling of plastic.”
“We are confident in its capacity to reinforce our energy security and to bring down the cost of electricity in our country.” Sabi pa ni Marcos.
“Titiyakin nating ito ay ligtas. Titiyakin din nating maipaliwanag nang mabuti sa publiko ang magandang dulot sa atin ng enerhiyang nukleyar.” Dugtong niya.
GABAY SA KABATAAN
Nananawagan naman si Pangulong Marcos na magsama-sama ang pamahalaan, pamilya, paaralan, simbahan, industriya at komunidad para ikabubuti ng mga kabataan.
“Kailangang mamulat ang buong lipunan at akuin ang responsibilidad. Pag-ibayuhin natin ang ating paggabay at pag-aruga sa ating mga kabataan.”
Bilang pangalawang tahanan para sa kanila, sinabi ni Marcos na “hinahanda natin ang mga pampublikong paaralan upang tanggapin sila nang bukas-palad.”
Ayon sa Chief Executive, tuloy ang school-based feeding program ngayong taon kung saan mahigit 4.5 million Kinder at Grade 1 students ang target na maging benepisyaryo nito habang ang mga mag-aaral na Grade 2 pataas ay tutulungan din na magkaroon ng tamang nutrisyon.
Para matiyak ang seguridad ng mga mag-aaral, sinabi ni Marcos na magtutulungan ang lokal na pamahalaan, barangay, pulisya at Education department sa pagpapalakas sa campus security.
Ani Marcos, nakahanda at gumagana ang mekanismo at pagproseso sa insidente ng bullying at iba pang emergency situations.
“Hinahanda rin natin ang ating mga principal at guro upang mamagitan sa pag-aayos ng anumang hindi pagkakaintindihan ng mga estudyante.”
“Sa tulong ng unang batch na sampung libong School Counsellor Associates na ipapasok natin sa mga pampublikong paaralan, ang mga anak natin ay mayroon nang malalapitan para sa angkop na payo sa anumang mabigat na pinagdadaanan sa kanilang isipan.”
Upang mahikayat ang mga kabataan na magtapos ng kolehiyo, sinabi ni Marcos na naglaan ang Office of the President ng P100,000 para sa bawat barangay na magkakaroon ng limang estudyante bilang Presidential Scholars
Samantala, sinabi ni Marcos na natupad na ang pangako sa nakaraang niyang SONA na walang magreretirong guro na Teacher I matapos na mahigit 80,000 guro at school heads ang na-promote gawa sa ilalim ng Expanded Career Progression.
GUARANTEE LETTER
Isang krisis para sa isang pamilya kapag may nagkasakit sa kanila dahil sa mahal na gamot at pagpapagamot.
Giit ni Marcos, “malusog na pamumuhay ang ating pangunahing isinusulong: kumpletong bakuna; maayos na nutrisyon; regular na ehersisyo; at pag-iwas sa masamang bisyo at mapanganib na gawain.”
Aniya, katuwang ang Department of Health (DOH) at PhilHealth, ang Universal Health Care ang siyang pangunahing seguridad sa kalusugan ng bawat Pilipino.
Sa pamamagitan ng YAKAP Program, sinabi ng Pangulo na 4.5 million indibidwal ang nakapagpa-check at target ng kanyang administrasyon na mas marami pang klinika ng masakop ng nasabing programa.
Mayroon ding GAMOT program kung saan ang mga miyembro ng PhilHealth ay makakakuha ng kailangan nilang gamot mula sa higit 2,000 accredited providers, na may benefit limit P20,000 kada taon.
Sinabi rin ni Marcos na aabot na sa mahigit dalawang libong klase ng gamot ang tinanggalan ng value-added tax para maging abot-kaya na ang presyo nito.
Matapos ang nakaraang SONA, iniulat ng Pangulo na halos tatlong milyong pasyente ang walang binayaran na anumang halaga sa pagpapagamot sa DOH hospital, sa ilalim ng ‘Zero-Balance Billing”.
“Siyempre, hindi natin makakaligtaan ang maaasahang Medical Assistance o MAIFIP. Mas marami na ang ospital na sakop nito, mas pinadali pa ang proseso.”
“At ngayon, may “e-MAIFIP” na sa mga ospital ng DOH: online at kasama sa ating eGovPH app. Dalawa na lang ang requirement. Wala na ring GL-GL, kaya hindi na kailangan pumila o magmakaawa pa sa sinumang pulitiko.”
FAN NI ALEX EALA
Hindi nawaglit sa SONA ni Marcos ang tungkol sa sports, na naging triple ang suportang ibinigay ng kanyang administrasyon.
“Mahalaga rin ang ating sports. Itinaas natin nang triple ang suporta natin dito. Hindi lamang dahil sa aliw na hatid nito, kundi para sa kalusugan.”
“Sa nag-uumapaw nating suporta kay Alex Eala, sana ay marami ang maengganyo para matuto at maglaro hindi lamang ng tennis kundi ng ibang sport pa.”
“Sa halimbawa ng Filipinas women’s football team, sana rin ay mas sumikat pa ang football sa ating bansa at maraming maglaro. Balang-araw, baka makasali na ang Pilipinas sa World Cup.”
FOREIGN RELATIONS
Dala ng matibay na ugnayan at relasyon sa ibang mga bansa, ang Pilipinas ay nagkaroon ng malaking kapakinabangan kabilang sa larangan ng kalakalan.
“Our vigilant trade facilitation efforts have resulted in integrating our country into the international free trade network that is the widest and most active one that we have ever had in our history.” Sabi ni Marcos.
Sa kasalukuyan ay mayroong nang 23 free trade agreement ang bansa, lumago ang export, patuloy ang paglago at mataas na produksyon.
Ayon kay Marcos, napanatili ng Pilipinas ang export competitiveness sa indigenous farm products, gaya ng ube, coconut, bananas, at iba pang tropical fruits. Pumasok na rin ang bansa sa bago at may malaking kita na enoki mushrooms importation.
Hinggil naman sa foreign investment, iniulat niya na sa nakalipas na tatlong taon, higit six trillion pesos na pamumuhunan ang isinaayos sa bisa ng Green Lanes na lumikha ng higit 400,000 trabaho.
Sa pamamagitan ng patuloy na lumalago ang pamumuhunan hindi lamang dito sa Metro Manila kundi maging sa iba’t-ibang parte ng Luzon hanggang Mindanao.
Matapos ang pagkakabilang ng bansa sa 23-member strong at US-led Pax Silica Initiative, isang Pax Silica Industrial Hub ang itinatag para sa ecosystem na gamit ang AI technology.
“As a strategic component of the Luzon Economic Corridor, the hub will be an advanced manufacturing and logistics center in the global AI and technology value chain.”
“Cagayan is both geographically and economically primed to serve as our gateway to space and host the country’s first spaceport.”
Katunayan, isang rocket launch test ang nakatakda sa susunod na taon, at ka-partner ng Pilipinas dito ang isang South Korean aerospace company.
Ang ASEAN ang itinuturing na safe harbor ng bansa at sa nakaraang ASEAN Summit chairmanship ng bansa ay naisulong ang mas malawak na pakikiisa at kooperasyon sa hanay ng ASEAN Member States.
2016 ARBITRAL RULING
“Let me remind our friends and our detractors: Filipinos are a noble, kind, gracious, and great race. We are not greedy. We are not racists. We are not liars.”
“We are respectful, and we are dignified. We are Filipinos, and we do not yield.”
Ani Marcos, kamakailan lamang ay ipinagdiwang ang 10th anniversary ng final and binding 2016 Arbitral Award, na siyang malinaw na batayan para sa pagpapatupad ng UNCLOS.
Pagbibigay-diin ng Presidente, gagawin ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang hakbang para mapanindigan ang naturang desisyon, sa pamamaraang mapayapa at legal na proseso.
“This is not a claim that we advance alone, nor is it one that we will abandon.”
“Mga kapwa kong Pilipino, sa ganitong mga banta sa ating seguridad, sa loob at sa labas ng bansa, tayo’y tumindig nang taas-noo at magkakapit-bisig.”
“Dahil tayo man ay magkaiba sa maraming bagay, iisa lang tayong lahi. Tayong lahat ay Pilipino. Pilipino sa diwa; Pilipino sa dugo.” Dagdag niya.
Sa mga pang-aalipusta, hindi tayo matitinag. Sa manlulupig, hindi tayo pasisiil,” pagtatapos ni Marcos.
