SA hangarin isalba ang mga maliliit na negosyo, higit na angkop magpatupad ng text exemption ang pamahalaan sa mga tinatawag na kalingain ng micro, small, and medium enterprises (MSME).
Bilang pambungad, inihain ni Senador Mark Villar ng Senate Bill 2362 na naglalayong i-abswelto ang mga MSMEs sa pagbabayad ng Minimum Corporate Income Tax (MCIT) para mabawasan ang pasanin sa buwis, mapalakas ang kakayahang lumago at makalikha ng mas maraming trabaho.
Ayon sa pinakahuling datos, ang MSMEs ay kumakatawan ng higit sa 99.63 percent ng mga rehistradong negosyo sa bansa noong 2024.
Hindi rin aniya biro ang 35.7 percent na ambag ng MSMEs sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.
Ayon kay Villar, 63.19 percent ng kabuuang bilang mga mga manggagawa ay mula sa mga MSMEs.
Gayunman, sinabi ni Villar na patuloy na hinaharap ng mga MSMEs ang pagtaas ng gastos sa produksyon, mataas na inflation, at iba pang hamon sa ekonomiya — na lalo pang pinalala ng pag-akyat ng inflation sa higit 7.2 porsyento noong Abril 2026 kasunod ng pagdedeklara ng national energy emergency, na nagdagdag sa pasanin ng maliliit na negosyong may limitadong puhunan.
“Ang ating mga MSMEs ang isa sa mga bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas. Sila ang nagbibigay ng kabuhayan sa milyun-milyong Pilipino, nagpapasigla sa mga lokal na industriya, at nagpapatakbo sa ating mga komunidad. Sa pamamagitan ng makabuluhang tax relief at exemption sa pagbabayad ng Minimum corporate Income Tax, mabibigyan natin sila ng mas malaking pagkakataong palaguin ang kanilang negosyo, makalikha ng mas maraming trabaho, at mas mapalakas pa ang ating ekonomiya,” ani Villar.
Upang matugunan ang mga nabanggit na hamon, iginiit ni Villar ang amyenda sa National Internal Revenue Code para bigyan ng nararapat na exemption sa Minimum Corporate Income Tax ang mga kuwalipikadong MSMEs na kinikilala sa ilalim ng Magna Carta for MSMEs. Layunin din panukala na mabawasan ang kanilang gastusin sa buwis upang mas maraming pondo ang mailaan sa pagpapalawak ng negosyo, inobasyon, at paglikha ng trabaho, habang pinatitibay ang kanilang katatagan at kakayahang makipagsabayan sa iba pang industriya sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya.
“Kapag mas umuunlad ang ating maliliit na negosyo, mas maraming Pilipino ang nagkakaroon ng trabaho, mas lumalakas ang ating mga lokal na ekonomiya, at mas dumarami ang oportunidad para sa bawat pamilya. Ang panukalang ito ay isang konkretong hakbang upang mabigyan ng mas malaking pagkakataong umunlad ang ating mga negosyante at matiyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ay mararamdaman sa bawat komunidad,” dagdag pa ni Villar.
Umaasa ang senador na ang panukala ay magbibigay ng kinakailangang ginhawa sa mga MSMEs upang mapalawak ang kanilang operasyon, mapataas ang kanilang produktibidad, at patuloy na magsilbing mahalagang tagapagtaguyod ng inklusibo at pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
