COA State Auditor Roderick Wamil
IBINUNYAG ng isang opisyal ng Commission on Audit (COA) ang umano’y pakiusap ng isang dating opisyal ng Department of Education (DepEd) na palusutin ang liquidation report na isinumite sa naturang ahensya.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa mga kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte, partikular na tinukoy ni state auditor Roderick Wamil ang isa sa mga abogadong miyembro ng defense team ng pangalawang pangulo — si Atty. Michael Poa na nagsilbing tagapagsalita ni Duterte sa panahon ng panunungkulan bilang Kalihim ng Deped.
Ayon kay Wamil na dating nakatalaga sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO), personal umanong nakiusap noong Setyembre 2023 si Poa na huwag masyadong higpitan ang pagsusuri sa liquidation report kaugnay ng confidential fund ng kagawaran.
Pakiusap umano ni Poa sa audit team, maglabas na lang ng “audit query” sa halip na Audit Observation Memorandum (AOM) dahil sa mga nakitang butas sa paggamit ng daan-daang milyong confidential funds.
Gayundin aniya ang pakiusap sa kanila ni Atty. Zuleika Lopez na tumatayong chief of staff of Office of the Vice President (OVP)
Kabilang rin aniya sa mga kasama niya sa pulong sina Assistant Commissioner at ICFAO head Nilda Plaras, audit team head Gloria Camora.
“They asked po if instead of an Audit Observation Memorandum, in case may audit findings, ay audit query na lang po iyong i-issue sa kanila,” paglalahad ni Wamil.
“Hindi po ako familiar sa audit query since hindi naman po siya kasama doon sa issuances under the Joint Circular 2015-01. Hindi po pumayag si ICFAO head since hindi naman po siya sanctioned nung aming Joint Circular 2015-01,” dugtong niya.
