NAGPAKAWALA ng matatalim na salita ang ilang miyembro ng House Prosecution panel laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House impeachment trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, nabudol ang taumbayan nang ipagkatiwala kay Duterte ang paggamit ng P612.5-million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Sa panig ni counsel for House prosecution panel at veteran litigator Lorna Kapunan, malinaw na pagwawaldas ang ginawa ng bise presidente sa daang-daang milyong public funds.
“Scam against the people,” sundot ni Kapunan.
Hindi naman nangimi si House prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon na tawaging ‘kapalmuks’ ang mga opisyal na sangkot sa aniya’y maling paggastos ng naturang pondo.
“Ang taong bayan ang nabudol, ipinagkatiwala sa kanya itong confidential funds. For the first time in Philippine history that a Vice President would intervene or would engage the office in fighting lawless elements in our streets,” bulalas ni Alonto Adiong.
“When she was entrusted with these funds, she did not make use of it in order to pursue the agenda of fighting corruption. But dun po napunta kina Mico Harina… doon napunta kay Mary Grace Piattos, napunta sa pagbibigay rewards sa mga chairs and tables. doon napunta sa pagbibigay reward sa medisina na labag sa Joint Circular ng COA,” ani Alonto Adiong.
“Ang ini-scam, taong-bayan. Ang worth ng scam na yan ay P612 million,” sabat naman ni Kapunan.
Ikinumpara niya ang alegasyon kay Duterte sa paghingi ng pera sa isang magulang para bumili ng libro subalit ginasta sa pagbili ng make-up o kaya’y sa pakikipag-date.
“Pag humingi ka sa nanay mo, ‘Mommy, pengeng P5,000, bibili ako ng libro.’ Hindi mo ginamit para sa libro, ginamit mo, bibili ka ng makeup o nag-date ka, anong tawag doon? In-scam mo nanay mo,” bulalas pa ng lady lawyer.
“Pag paulit-ulit-ulit yan at hindi mo ginamit ang pera na sinabi mong gagamitin, eh ang tawag doon scam,” aniya pa.
Samantala, mariing kinondena ni Ridon ang nabunyag na sikretong pakikipagpulong ng OVP at DepEd officials sa COA officers matapos na mapuna ang mga butas sa liquidation reports para sa kabuuang P612.5 million confidential funds.
“Medyo makapal ang mukha ng mga involved doon sa OVP at Department of Education to even ask an audit query from the Commission on Audit,” pahabol ng Bicol Saro solon.
“It is not subject to a request. It is not subject to a favor by any other agency. Wala po sa lugar para magkaroon ng pagpupulong at makiusap at magsabi na imbes na AOM ang i-issue, audit query na lang po ang i-issue,” giit ni Ridon.
Naniniwala ang House prosecutor na ang meeting na hinirit umano nina OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez at Atty. Michael Poa, na naging DepEd chief of staff at spokesperson, sa COA officials noong September 2023 ay malinaw na nagpapahiwatig ng tangkang impluwensyahan ang state auditor.
“They tried to influence the agency. Instead of issuing an Audit Observation Memorandum for both the OVP and the Department of Education, they wanted a slap on the wrist, an audit query memorandum lang po,” ayon pa kay Ridon.
“The meeting itself is actually irregular. It was improper. It should not have happened,” paninindigan ng House prosecution panel member.
