UMAPELA si Abra lone district Rep. JB Bernos sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan na magsagawa ng ‘rescue buy’ sa sobrang ani o hindi nabiling mga gulay para maiwasan masayang.

Ginawa ni Bernos ang panawagan bunsod na rin ng mga ulat na trak-trak ng mga karots at repolyo ang tinatapon na lamang, partikular sa bahagi ng Tublay, Benguet dahil sa over supply at hindi rin nabili ang sa trading center.

Para sa Abra lawmaker, “bilang frontliner at pinakamalapit na unit ng pamahalaan sa komunidad, maganda siguro kung tayo na rin ang manguna sa pagsalba sa ating mga magsasaka para hindi masayang ang kanilang pinagpaguran.”

May ilang LGUs naman aniya ang nagsasagawa ng ‘rescue buy’ sa pagnanais na maisalba ang mga ani gayundin ang livestocks lalo’t kapag may bagyo at iba pang kalamidad.

“May mga model LGUs na tayo na bumibili ng mga produkto ng ating mga magsasaka’t mangingisda at ipinamimigay ito lalo na sa panahon ng sakuna,” sabi pa ni Bernos, na ranking member ng House Committee on Local Government.

Mungkahi pa ng kongresista, ang mabibiling mga gulay at iba pang ani ay maaaring ipamahagi sa mga pamilyang salat pagkain.

Gayundin ang pagsang-ayon ni Bernos sa panukala naman ni Education Secretary Sonny Angara na gamitin ang surplus vegetables sa expanded school feeding program na ipinatutupad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ipinabatid ni Angara na hinahanapan ng paraan ng DepEd na magamit ang sobra-sobra at sariwang gulay para sa school feeding programs, na sa ngayon ay aabot na sa 4.6 million ang beneficiaries, kabilang ang Kindergarten at Grade 1 learners. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *