PARA kay Senador Mark Villar, higit na angkop suportahan ng mga economic manager ng bansa ang panukalang itaas ang income tax exemption ceiling ng mga manggagawa.

Sa isang pahayag, nanindigan si Villar na obligasyon ng estado bigyang-ginhawa ang mga manggagawa at mapasigla ang pagkonsumo ng mga pamilya — gayundin ang ekonomiya.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance hinggil sa panukalang 2027 national budget, sinabi ni Villar na dapat ikonsidera ng pamahalaan ang pagbibigay ng tax relief sa gitna ng paghina ng consumer spending at mabagal na paggasta ng gobyerno.

Inihain ni Villar ang Senate Bill 2137, na naglalayong itaas mula P250,000 tungong P360,000 ang taunang income tax exemption ceiling. Kapag naisabatas, hindi na papatawan ng personal income tax ang mga manggagawang kumikita ng hanggang P30,000 bawat buwan.

“Kung mababa ang government spending at humihina rin ang consumption, ang pagpapataas sa income tax exemption ceiling ay magbibigay ng agarang ginhawa sa ating low at middle-income workers,” dugtong ni Villar.

“Sa halip na hintayin pa ang pamamahagi ng tulong, direkta nang mananatili sa kanilang bulsa ang perang maaari nilang gamitin para sa pagkain, kuryente, pamasahe, edukasyon, at iba pang pangangailangan ng kanilang pamilya,” dagdag niya.

Sa pagdinig, iniulat ng mga economic managers ang pagbagal ng personal consumption, habang bumaba naman ng mahigit 30 porsyento ang public construction sa loob ng dalawang magkasunod na quarter. Iniugnay ang paghina sa mataas na inflation, pagbaba ng consumer confidence, at mga usapin sa pamamahala na nakaapekto rin sa mga pamumuhunan.

Ayon kay Villar, maaaring magsilbing pampasigla sa ekonomiya ang pagtataas ng exemption ceiling dahil mas malaking bahagi ng pinaghirapang kita ng mga manggagawa ang maiiwan sa kanila para sa kanilang mga pangangailangan.

“Isa itong paraan ng pump-priming. May epekto man ito sa revenues, ang perang hindi na kukunin bilang buwis ay maaari namang bumalik sa ekonomiya sa pamamagitan ng mas mataas na household consumption,” ani Villar.

Nilinaw ng senador na ang tax relief ay hindi pamalit kundi karagdagang suporta sa mga programang ayuda para sa mahihirap na pamilya, mga biktima ng kalamidad, at mga manggagawa sa informal sector na hindi sakop ng income tax system.

“Hindi ko sinasabing alisin ang ayuda. Mahalaga pa rin ang direktang tulong, lalo na para sa pinakamahihirap at sa mga biktima ng kalamidad. Pero kailangan din nating bigyan ng relief ang mga manggagawang regular na nagbabayad ng buwis at patuloy na nahihirapan dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin,” ani Villar.

Sinabi ni Secretary Frederick Go na ang hiwalay na panukala ng administrasyon na itaas sa P350,000 ang income tax exemption ceiling ay maaaring magresulta sa tinatayang P60 bilyong bawas sa koleksiyon ng pamahalaan. Aniya, humigit-kumulang 15 porsiyento ng mawawalang kita ang maaaring mabawi sa pamamagitan ng mga buwis na malilikom mula sa karagdagang pagkonsumo.

Gayunman, iginiit ni Villar na dapat din isaalang-alang ang mas malawak na benepisyong pang-ekonomiya at panlipunan ng panukala. Aniya, ang tax relief ay isang direkta at episyenteng paraan ng pagtulong dahil hindi na kailangan ng hiwalay na aplikasyon, pagpili, o pamamahagi ng benepisyo.

“Kapag nangolekta ang gobyerno, kailangan din nitong ibalik ang pera sa taumbayan sa pamamagitan ng mga programa. Kung mabagal ang government spending, dapat nating ikonsidera kung mas episyenteng hayaan ang bahagi ng kita na manatili sa mga manggagawang nangangailangan nito,” ani Villar.

“Direkta itong mapupunta sa mga manggagawa. Wala nang mahabang proseso, wala nang distribution costs, at wala nang bureaucratic inefficiencies. Agad nilang mararamdaman ang benepisyo sa kanilang suweldo,” dagdag niya.

Binanggit naman ni Secretary Arsenio Balisacan na huling nagkaroon ng malaking pagbabago sa personal income tax rates noong 2018. Dahil sa patuloy na inflation mula noon, mas mabigat na ngayon ang aktuwal na pasanin sa buwis ng mga manggagawang kabilang sa mga apektadong income bracket.
Ayon kay Villar, lalo nitong pinagtitibay ang pangangailangang iangkop ang exemption ceiling sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya.

“In a way, isa itong inflationary adjustment. Inaangkop lamang natin ang income tax exemption sa epekto ng pagtaas ng presyo at sa tunay na halaga ng kita ng ating mga manggagawa ngayon,” ani Villar.

“Umaasa akong bibigyan ito ng masusing konsiderasyon ng Department of Finance at ng iba pa nating economic agencies. Ang anumang epekto nito sa koleksiyon ay dapat timbangin laban sa agarang ginhawang maibibigay nito sa milyun-milyong manggagawa at sa dagdag na siglang maidudulot nito sa ating ekonomiya,” pagtatapos niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *