PATULOY ang pagtaas ng bilang ng mga taong nasawi bunsod ng magkakasunod na bagyo at bagsik ng Habagat.

Batay sa pinakahuling datos na ibinahagi ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 34 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasawi dahil sa masamang panahon.

Sa ulat ng OCD, pinakamaraming nasawi sa Benguet kung saan 15 ang kumpirmadong namatay. Pumangalawa naman sa talaan ang mga lalawigan ng Rizal at Batangas kung saan tig apat ang binawian ng buhay.

Nakapagtala naman ng tatlong casualty ang Caloocan City, tig-dalawa naman sa Quezon at Mindoro. Pasok din sa talaan ang mga nasawi mula sa La Union, Pangasinan, Oriental Mindoro at Negros Occidental.

Nasa 19 katao ang nasugatan, habang patuloy pa ang search operation sa tatlong indibidwal.

Umabot naman sa 9.1 milyong katao o 2.6 milyong pamilya ang apektado sa mga weather disturbance sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nasa 135,905 katao (katumbas ng 39,386 pamilya) ang kasalukuyang nasa 1,255 evacuation centers.

Tinatayang 3,700 bahay ang napinsala at umabot na sa P6.27 bilyon ang halaga ng nawasak na imprastraktura, habang nasa P2.32 bilyon naman ang perwisyo sa agrikultura.

Nasa 678 lugar ang naitalang binaha.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *