PLANTSADO na ang titulo ng lupa bago pa man simulan ang Laguna de Bay reclamation project sa kahabaan ng C6 Road sa lungsod ng Taguig, ayon kay Senador Panfilo Lacson.

Sa isang panayam sa radyo, partikular na tinukoy ni Lacson ang mga ebidensyang nakalap ng Philippine Reclamation Authority (PRA) hinggil sa 170-ektaryang bahagi ng Laguna de Bay.

Gamit ang digital at satellite maps, nadiskubre umano ng PRA na lumabas na ang 13 titulo para sa 170-ektaryang bahagi ng lawa — na may tubig pa rin hanggang ngayon.

“Lumaki nang lumaki. Sa huling pulong with PRA at Ombudsman, 13 titles na na-discover nila. May titulado na hanggang ngayon tubig. Nang vet nila sa digital or satellite sa map aba tubig may titulo,” ani Lacson.

Para kay Lacson, lubhang nakakabahala ang kabi-kabilang reclamation projects sa Laguna de Bay. Bukod aniya sa Taguig, kabilang rin sa sinisilip ang iba pang lokalidad sa paligid ng lawa.  

Sa kabuuan, tinatayang aabot sa 560 ektaryang bahagi ng lawa ang natabunan na ng lupa. Sa naturang lawak, 35 porsyento ang nasa Taguig.

Mungkahi ng senador sa pamahalaan, kumpiskahin ang 170-hectare reclamation area sa baluarte ng mga Cayetano, kasabay ng panawagan sa Office of the Ombudsman sampahan ng karampatang kaso ang mga nasa likod ng illegal reclamation.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *