WALANG plano ang pamahalaan maghintay ng walang katiyakan sa usapin ng P85 dagdag-sahod na nakabinbin sa husgado.

Sa isang kalatas, kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na naglabas ng bagong kautusan ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board na nagtatakda ng P60 kada araw na dagdag sa sahod ng mga minimum wage earners sa Metro Manila. 

Sa ilalim ng Wage Order No. 28, epektibo na rin ngayong araw (Sabado, Setyembre 26) ang pagtaas ng minimum wage sa 16 lungsod at isang munisipalidad sa kabisera

Sa ilalim ng bagong wage order, magiging P755 kada araw ang minimum wage ng non-agricultural workers mula sa dating P695.

Tatanggap naman ang mga agricultural workers ng  P718 kada araw mula sa dating P658.

Inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR ang kautusan matapos ang konsultasyon sa mga kinatawan ng mga manggagawa, employer at gobyerno.

Buwan ng Hulyo nang ilabas ang Wage Order No. 27 na naglaan sana ng P85 dagdag-sahod sa dalawang tranche, P60 noong Hulyo 15 at P25 sa Enero 2027.

Gayunpaman, hindi naipatupad ng pamahalaan ang umento matapos maglabas ng temporary restraining order ang korte sa Pasig City kaugnay ng petisyong inihain ng dalawang contractor.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *