NAGBABALA ang Quezon City Police District (QCPD) sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga indibidwal na gumagamit ng mga messaging application para manghingi ng pera gamit ang pangalan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Brig. Gen. Christopher Olazo.
Sa isang pahayag, nilinaw ng QCPD na walang grupo o sinumang indibidwal ang inatasan ni Gen. Olazo para mag-solicit ng pera, humingi ng detalye ng bank account o impormasyon sa e-wallet, gamit ang kanyang pangalan.
“The public is reminded that Police Brig. Gen Olazo does not authorize any individual to solicit or request money, bank account details, e-wallet information, or other financial assistance using his name,” saad sa ibinahaging pahayag.
Payo ng QCPD sa mga nakatanggap ng kahina-hinala o katulad na mensahe, huwag magpadala ng pera o magbigay ng personal, bank, o financial information.
Dapat na agad i-report ang account at beripikahin ang impormasyon sa pamamagitan ng mga official channel ng QCPD.
Hinihikayat din ang publiko na ibahagi ang paalala sa mga kasamahan, kaibigan, at kapamilya upang makatulong na maiwasan ang pagiging biktima ng ganitong mga mapanlinlang na gawain.
Nananawagan ang QCPD sa lahat na manatiling mapagmatyag at mag-ingat sa pagtanggap ng mga hindi inaasahang mensahe o mga kahilingan para sa pera.
