LUBHANG nababahala ang isang kongresista sa posibleng epekto sa universal health care sa planong pagsasapribado ra ng mga casino sa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Solid North partylist Rep. Ching Bernos miyembro ng House committee on games and amusements, ang ibinabahaging kita ng Pagcor sa implementasyon ng universal healthcare (UHC) program.
“Kailangang pag-usapan natin kung paano ba magagampanan ng Pagcor ang responsibilidad nito sa ilalim ng Republic Act 11223 o ang Universal Health Care Law. We are talking here of billions of pesos in funding that the Filipino people rely on, and they deserve some clarity regarding this very important issue,” wika ni Bernos.
Paglilinaw ng partylist congresswoman, lubos niyang nauunawaan ang desisyon ng Pagcor na mas pagtuunan ng pansin ang regulatory function ng ahensya.
Gayunpaman, kailangan din aniyang linawin kung paano matutugunan ng Pagcor ang responsibilidad sa ilalim ng UHC Law. Sa ilalim ng naturang batas, 50 porsyento ng national government shares sa Pagcor income ang isa sa pinagkukunan ng pondo para sa programang pangkalusugan.
Sa pag-aaral Geronimo Law firm, mababawasan ng mula P1.7 hanggang P2.1 bilyon ang annual UHC funding kapag itinuloy ng Pagcor ang pagsasapribado ng Casino Filipino.
Pagtaya pa ng nasabing law firm, ang Casino Filipino ay nakapagbigay ng P3.02 billion para sa UHC noong 2024, at P2.47 billion naman sa sumunod na taong 2025.
Panawagan ni Bernos sa Pagcor, ilatag muna ang mekanismong magbibigay katiyakan sa patuloy na pagdaloy ng pondo para sa paghahatid ng iba’t-ibang serbisyong medikal, alinsunod sa UHC law.
