KINUMPIRMA ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na nakatanggap ng foreign remittances mula sa China ang kumpanyang Cale88 Foods Corp. na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng asawa ni Vice President Sara Duterte.
“Part of the summaries prepared and submitted by the Anti- Monet Laundering Council (AMLC) to the Honorable Impeachment Court, summary of remittances to Calle 88 from China and from other foreign countries,” pahayag ni Luistro.
Matatandaan na sa naging salaysay ni Securities and Exchange Commission (SEC) Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo Del Rosario, mula nang maitatag noong 2021 hanggang 2024, ang mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio ay tumatayong incorporator, director, president, at chairman of the board ng Calle88 Foods Corporation.
Nakasaad din sa SEC records na ang second gentleman ay mayroong 40 percent share sa Calle88 bago bumaba sa kanyang executive positions noong nakaraang taon.
Ang pagbusisi sa Cale88 ay bahagi ng paglalatag ng prosekusyon sa Article II ng impeachment charges laban kay Duterte, na may kinalaman sa alegasyon ng unexplained wealth ng huli.
Una nang inihayag ni Luistro na kabilang sa AMLC documents na ilalatag ng prosekusyon bilang bahagi ng mga ebidensya ang inward remittances sa Calle88 na mula sa China at iba pang bansa.
Ang pagkakaroon ng remittance mula sa China ng naturang korporasyon ay nagdulot ng pagdududa kung konektado ang naturang negosyo kay businessman Jaime T. Cruz (JTC), na mayroong business links sa pamilya Duterte.
