PINAGBIGYAN ng Senate Impeachment Court ang kahilingan ng House prosecution panel na i-subpoena ang mga kinatawan ng pitong bangko, gayundin ang ilang insurance at financial companies para isalang sa witness stand sa susunod na linggo.
Inatasan din ng impeachment court ang mga kinatawan ng Land Bank of the Philippines, Asia United Bank, Philippine Savings Bank, Metropolitan Bank and Trust Co., Bank of the Philippine Islands, Philippine National Bank at BDO Unibank na dalhin ang mga kaukulang records o dokumentong may kinalaman sa bank accounts ng mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio.
Saklaw din ng kautusan ang representatives ng Prudential Life, Allianz, Manufacturers Life, FWD Life, BPI-AIA Life, BDO Securities at BDO Life.
Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, ang financial institution witnesses na ay bahagi ng pagprisinta ng prosekusyon sa Article II ng Articles of Impeachment na may kaugnayan sa pagkakaroon ng unexplained wealth and financial transactions.
Una nang inihayag ng prosekusyon ang kahandaan iprisinta ang bank at financial records, maging ang bawat bank firm at financial institution na may kaugnayan sa bank accounts ng Duterte-Carpio couple.
Ito’y matapos na magmatigas ang defense team ng bise presidente na isantabi ang kahilingan ng prosekusyon sa Request for Admission ng mga bank at financial record.
