SA timbre ng kaklase, naagapan ng mga guro ang panibagong banta ng karahasan sa loob pa man din ng isang pampublikong paaralan sa Barangay Dalakit, Catarman, Northern Samar.

Batay sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, nagsumbong sa guro ang estudyante hinggil sa baril na dala umano ng isang grade 10 student.

Sa hudyat ng pamunuan ng paaralan, agad na pinuntahan ang hindi pinangalanang grade 10 student. Narekober sa pag-iingat ng naturang mag-aaral ang kalibre .45 na walang serial number, 10 bala at apat na spare magazine.

Nang usisain, inamin ng mag-aaral na baril na pag-aari ng ama ang kanyang dinala. Gayunpaman, nilinaw umano ng bata na wala umano siyang plano maghasik ng gulo sa eskwelahan.

Isinailalim sa kustodiya na ng Municipal Social Welfare and Development Office for assessment and appropriate intervention in accordance with applicable laws and procedures ang bata.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *