PINAYUHAN ng mga diplomatic officials ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang mga Pilipino sa Saudi Arabia na iprayoridad ang kaligtasan sa gitna ng lumalalang hidwaan sa sa naturang bansa.

Sa isang abiso, partikular na tinukoy ng Philippine Embassy sa Riyadh at Philippine Consulate sa Jeddah ang madugong pag-atake ng Houthi forces sa Saudi Arabia.

“Mag-ingat, iwasan ang hindi kailangang paglantad sa posibleng panganib sa seguridad, manatili sa loob ng bahay kung kinakailangan, lalo na kapag may alerto sa seguridad,” saad sa abiso.

Hinikayat din ang mga migranteng manggagawa na sumunod sa mga direktiba sa kaligtasan at seguridad na maaaring ilabas ng Saudi Civil Defense at iba pang kinauukulan tanggapan.

Hindi bababa sa tatlong katao ang nasawi habang nasa 300 ang sinasabing nasaktan matapos magpakawala ng missile ang Houthi sa Saudi Arabia.

Inako na ng Houthi forces ang pagwasak sa isang paliparan sa Riyadh. Apektado naman ng sumabog na “debris” ang isang paaralan at medical complex.

Naglabas na rin ng advisory ang embahada sa mga Pinoy na nais bumiyahe. 

“Pinapayuhan ang mga bibiyahe sa himpapawid na tingnan ang status ng kanilang flight direkta sa kanilang mga airline, dahil maaaring magdulot ang mga kaganapan sa seguridad ng pagka antala, pagkansela, o iba pang abala sa biyahe,” ayon sa abiso.

Tiniyak naman ng pamahalaan na mananatiling bukas ang embahada at konsulado para tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa nasabing bansa.

Sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), tinatayang 813,000 Pilipino ang nasa Saudi Arabia.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *