TAMA lang na mabahala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibleng implikasyon sa seguridad ng bansa kung hahayaang magpatuloy ang pagpasok ng daan-daan milyong foreign remittance sa kumpanyang konektado sa asawa ni vice President Sara Duterte.

“Talagang very alarming kasi dahil merong national security implications ’yan,” wika ni House impeachment adviser and trial spokesperson Ace Barbers.

Sa isang press conference sa kanyang biyahe sa Singapore, nagpahayag ng pagkabahala si Marcos sa Chinese remittances na aniya’y “highly alarming” at “threat to the highest level” sa national security.

Base sa testimonya ng isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), na humarap sa Senate impeachment court bilang prosecution witness, mayroon umanong record na pagtanggap ng P319.326 million mula mainland China at Hong Kong ng Cale88 Food Corp., kung saan sinasabing mayroong 47.5 percent shares ang asawa ni Duterte na si Atty. Mans Carpio.

Para kay Barbers, dapat imbestigahan ang foreign remittances na posibleng  may kalakip ng kondisyones mula sa bansang nais sakupin ang karagatang bahagi ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.

Dapat din aniyang malaman kung ang milyones na pumasok sa Cale88 ay ginamit para pondohan ang political activities ni Duterte.

“Kung ito’y mapapatunayan sa isang malalimang imbestigasyon, therefore, napaka-alarming at nakakatakot ito. At ito ay may serious national security implication,” sambit ni Barbers.

Ayon naman kay private prosecutor Atty. Jay Tolosa Jr., namumuro sumabit si Duterte kapag napatunayan may kinalaman ang pangalawang pangulo sa pumasok na Chinese remittances.

Punto niya, may constitutional restrictions sa public officials sa pagtanggap ng regalo o compensation mula sa foreign governments.

Mabigat umano ang usapin ng Cale88 dahil bukod sa mister ni Duterte ang nauugnay, isang bansang agresibong umaangkin sa teritoryo ng Pilipinas ang nadiskubre pinagmulan ng malaking halaga ng pera.

“Seryoso ba itong paglabag, hindi lang sa Constitution but sa tiwala ng bayan, kung tumanggap talaga siya ng ganitong pera from another country which has taken aggressive actions against us.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *