HANGGAT nakaupo sa Palasyo si Ferdinand Marcos Jr., nasa balag ng alanganin ang kinabukasan ng sambayanang Pilipino, ayon kay Vice President Sara Duterte.

Naglabas ng pahayag ang pangalawang pangulo bilang tugon sa patutsada ng Palasyo sa umano’y national security threat na kalakip ng sinasabing pagtanggap ni Duterte ng daan-milyong pera mula sa bansang China na pinaniniwalaang may plano sakupin ang bansang Pilipinas.

Para kay Duterte, hindi biro ang inilabas na pahayag ng Palasyo, lalo pa aniya’t may seryosong implikasyon sa kanyang personal na seguridad at sa seguridad ng bansa ang posisyon ng administrasyon sa alegasyon ng prosekusyon sa paglilitis ng Senate impeachment court.

Kumbinsido rin ang pangalawang pangulo na isang lantarang pag-amin ng takot sa napipinto niyang pagsabak sa 2028 presidential elections ang pahayag ng Palasyo.

“At dahil diyan, binibigyang-katwiran ng Malacañang ang paggamit ng buong pwersa ng estado, kabilang na ang intelligence agencies at law enforcement agencies, na ako ay manmanan, gipitin, at tuluyang pabagsakin sa ngalan ng pulitika,” anang bise presidente.

Kinuwestyon din ni Duterte ang pag-uugnay ng negosyo sa China sa usapin ng seguridad ng bansa — bagay na posibleng maging dahilan para magdalawang-isip ang iba pang dayuhang bansa maglagak ng negosyo sa Pilipinas.

“At higit sa lahat, ang pahayag ay tahasang nag-aakusa sa China ng panghihimasok sa internal affairs ng Pilipinas. Bagaman wala itong sapat na katwiran, isa itong mapangahas at mapanganib na hamon sa China — isang bansang may mahabang kasaysayan ng ugnayan sa Pilipinas,” anang pangalawang pangulo.

“Seryoso ito. At maaaring magkaroon ito ng seryosong epekto sa ating relasyon sa China,” aniya pa.

Hamon ni Duterte kay Marcos, tuparin ang pangakong pagaanin ang buhay ng mga Pilipino noong kandidato pa lang para sa posisyon ng Pangulo.

“Bigo si Bongbong Marcos na tunay na pagsilbihan ang mga mamamayan at protektahan ang ating mga kabataan laban sa karahasan,” dagdag ng bise-presidente.

Para kay Duterte, desperado ang Pangulo pagtakpan ang korapsyon sa bansa.

“Patuloy pa rin ang mga kuwestiyonableng insertions sa national budget ng kanyang mga kaalyado sa politika. Laganap pa rin ang kriminalidad. At nitong kamakailan lamang — muntik nang makapasok ang tone-toneladang ilegal na droga sa Pilipinas.

“Walang palatandaan na prayoridad ni Bongbong Marcos na solusyonan ang mga problemang ito.”

Hindi rin aniya maitatanggi ni Marcos ang kabiguan ng administrasyon na solusyonan ang territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

“Ang kabiguang ito ay hindi lamang naglalagay sa Pilipinas sa peligro, kundi maaari ring magkaroon ng seryosong epekto sa seguridad at katatagan ng mga bansa sa ASEAN region.

“Panghuli, nais kong sabihin sa inyo na sa ngayon, wala na tayong aasahan pa sa pamumuno ni Bongbong Marcos kundi dagdag na pasakit at hirap… at kung nanganganib man ang ating bansa — nanganganib ito sa kamay ni Bongbong Marcos.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *