PARA sa House prosecution panel, malaking bentahe sa sambayanan at magkatunggaling panig ang pagbawi sa tatlong Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Ayon kay House lead prosecutor Gerville Luistro, minabuti ng tagausig na tutukan na lang ang “unexplained wealth” ni Duterte para sa matapos agad ang paglilitis ng Senate impeachment court. Aniya, pabor din kay Duterte ang naturang hakbang. “As a matter of fact, this decision was arrived at after a careful study of what is best for the impeachment court, for the public, and even for the respondent,” sambit ni Luistro. “Our beloved countrymen have all the right to know, witness, and be informed of the conclusion of all these impeachment proceedings, which started as early as 2024,” dagdag niya. Makakatulong din umano ang kanilang kapasyahan para mabawasan ang responsibilidad ng Senado lalo pa’t kailangan din aniyang pagtuunan ng mataas na kapulungan ang panukalang 2027 national budget. Iginiit naman ni Luistro na hindi intensyon ng prosekusyon na sayangin ang “resources” ng Senate Impeachment court at alisan ng pagkakataon ang nasasakdal na idepensa ang sarili sa mga alegasyong unang inilatag sa mga nakaraang paglilitis. Sa katunayan aniya, binigyan ng pagkakataon ang mga abogado ng pangalawang pangulo i-cross examine ang prosecution witnesses sa mga nagdaang pagdinig. Isinantabi rin ng lead prosecutor ang argumento ng defense team na ang pag-urong sa tatlong impeachment articles ay magpapahina sa kaso ng nasasakdal. “It has been repeatedly said that the prosecution has four equally strong articles of impeachment, and it is only because of the consideration of what we believe is the best interest for all that we are retaining only one article,” pahabol ni Luistro. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Pagdalo ni Trump sa ASEAN Summit sa Pinas, kasado na Gutom sa panahon ni Marcos, mas malala kesa pandemya