Personal na nakikipag-ugnayan sa mga residente si Angono Mayor Gerardo Calderon para sa kolektibong pagkilos sa mga programang isinusulong ng lokal na pamahalaan.

ANGONO, Rizal — Pumalo na sa 8,000 pamilyang pasok sa kategorya bilang informal settler ang nabigyan ng pagkakataon magkaroon ng sariling tahanan sa ilalim ng tinaguriang “Zero-Squatter Program” ng lokal na pamahalaan.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Mayor Gerardo Calderon ang patuloy pagsasaayos sa mga kwalipikadong pamilya sa bisa ng mga programang ubusin ang mga squatter sa nasabing lokalidad.

Batay sa datos ng lokal na pamahalaan, nasa 8,000 pamilyang nasa tinaguriang “danger zones” ang inilipat na sa ligtas na lugar sa loob ng nasasakupang bayan.

“Yes, in-city relocation ang approach namin para hindi sila ma-displace. Sino ba naman kasi may gustong mapalayo sa trabaho o eskwelahan ng mga anak,” paliwanag ni Calderon. 

“Inuna po namin mailipat yung mga nasa tabing-ilog, tabing-dagat, nasa sementeryo, nasa mga danger area… from that 11,000, around 3,000 na lang ang patuloy natin hinahanapan ng matinong lilipatan, yung pwede nilang ipagmalaking sa kanila talaga” wika ng alkalde.

Bukod sa usapin ng pabahay, malaking bentahe rin aniya ang paglilipat ng mga pamilyang nakatira sa tabing ilog — “Mula nung nailipat namin yung mga nakatira sa tabing-ilog, lumawak ang daluyan ng tubig… naibsan ang baha.”

Pag-amin ng alkalde, limitado ang lupang pagmamay-ari ng pamahalaan na pwedeng lipatan ng iba pang informal settlers.

“Kaya ang ginagawa namin, nakikipag-ugnayan kami dun sa mga may-ari ng lupang tinitirikan ng bahay ng mga squatter. Gumigitna kami… baka sakali makumbinsi namin sila  pahulugan na lang sa mga actual occupants yung lupa nila.”

By ..

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *