PARA kay Senador Mark Villar, higit na angkop ang isang komprehensibong estratehiyang nakatuon sa pagpapaunlad ng kakayahan, angkop na pagsasanay at mas matibay na proteksyon sa mga manggagawa.

Sa isang kalatas, nagpahayag ng pagkabahala si Villar sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Partikular na tinukoy ng senador ang resulta ng pagsasaliksik ng PSA, kung saan lumalabas na 3.14 milyon (katumbas ng 6 percent) ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho — bukod pa sa 6.33 milyong manggagawang napipilitan umekstra para madagdagan ang kakarampot na kita.

Kinilala rin ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) na nananatiling hamon sa labor market ng bansa ang kawalan at kakulangan ng trabaho, na nagpapatingkad sa pangangailangan para sa mga patakarang nagtataguyod ng pangmatagalan at inklusibong empleyo.

Para kay Villar, hindi lamang dapat nakabatay sa dami ng nalilikhang trabaho ang tagumpay ng mga programa sa empleyo, kundi pati sa kalidad ng mga ito—kabilang ang makatarungang sahod, seguridad sa trabaho, at mga oportunidad para sa pag-unlad ng sarili.

“Hindi sapat na makalikha lamang tayo ng maraming trabaho. Dapat nating tiyakin na ang mga ito ay dekalidad, may sapat at makatarungang sahod, at nagbibigay ng oportunidad para sa pangmatagalang pag-unlad ng sarili at ng kakayahan,” ani Villar.

Bilang tugon, isinusulong ni Villar ang mga panukalang batas na naglalayong alisin ang mga hadlang sa paghahanap ng trabaho at mas maayos na maiugnay ang mga manggagawa sa mga oportunidad sa iba’t-ibang trabaho. 

Kabilang sa mga akdang panukala ni Villar ang Kabalikat sa Hanapbuhay Act (Senate Bill 1272), na naglalayong mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga mahihirap na naghahanap ng trabaho, at ang Barangay Skilled Workers Registry Act (Senate Bill 1641), na naglalayong mapadali ang pagtutugma ng mga bihasang manggagawa sa mga oportunidad sa kanilang mga komunidad.

Binigyang-diin din ng mambabatas ang kahalagahan ng paghahanda sa mga manggagawang Pilipino sa epekto ng mga makabagong teknolohiya, partikular ang artificial intelligence at automation, na patuloy na nagbabago sa mga industriya at pangangailangan sa trabaho. 

Layunin ng akdang panukalang Workers’ Protection and Skills Development on Digital Economy Job Disruption Act (Senate Bill 649) palakasin ang proteksyon sa mga manggagawa at isulong ang pagpapaunlad ng kanilang kakayahan sa gitna ng mga pagbabago sa digital na ekonomiya.

Nanawagan din siya ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng TESDA, mga institusyong pang-edukasyon, at pribadong kumpanya upang matiyak na ang mga programa sa pagsasanay ay naaayon sa nagbabagong pangangailangan ng mga industriya tulad ng manufacturing, information technology, logistics, at tourism. 

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang suportahan ang mga freelancer at iba pang manggagawa sa digital economy sa pamamagitan ng mas malawak na access sa pagsasanay, oportunidad sa kabuhayan, at angkop na proteksyon sa paggawa.

Sa antas ng komunidad, nangako si Villar na ipagpapatuloy ang MARKAbuhayan, ang buwanang job caravan, kasabay ng pagsusulong ng mga repormang batas paggawa na magpapalawak sa mga oportunidad sa trabaho at maglalapit sa mga ito sa mga komunidad ng mga Pilipino.

“Ang tunay na layunin ng paglikha ng trabaho ay hindi lamang mabigyan ng hanapbuhay ang ating mga kababayan, kundi matiyak na mayroon silang kakayahan, proteksyon, at oportunidad upang umunlad. Dapat nating ihanda ang ating mga manggagawa sa pangangailangan ng industriya at tiyaking may patas na pagkakataon silang makamit ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya,” pagtatapos ni Villar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *