UMANI ng iba’t-ibang negatibong impresyon, maging sa ilang senator-judges, ang unang testigong isinalang ng mga abogadong nagtatanggol kay Vice President Sara Duterte.

Sa panig ni Senator-Judge Erwin Tulfo, kinastigo at binalaan niya si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin, sa pagiging ‘kengkoy’ o ginagawang katatawanan ang impeachment trial laban sa bise presidente. 

“Mr. Presiding Officer, para ho tayong niloloko ng testigo na ito. Sir, may I remind you that you’re under oath. ‘Yung ginagawa ho ninyong, ginagawa niyong kengkoy ang inyong testimonya, bawal po ‘yan. We can cite you for contempt,” bulalas ni Tulfo.

“We’re serious here. Tinatanong ho kayo, nakapunta ba kayo? Ayaw niyong sabihin. ‘Yung petsa, hindi niyo rin malaman. Kung talagang hindi niyo alam, eh hindi niyo alam. Mr. Presiding Officer, just remind this witness na under oath po siya. ‘Yung pagsisinungaling po eh nasa kanya ho ‘yun, may consequences po ‘yan,” dugtong niya.

Nasita ni Presiding officer Sen. Chiz Escudero si Adalin nang panindigan ng huli na walang kaugnayan sa paglilitis ang naging biyahe niya sa China noong nakaraang taon.

Unang inungkat ni private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. ang pagkakasama ni Adalin sa grupo ng Davao City officials na bumiyahe sa China noong November 2025 — isang all-expenses-paid tour at inisponsoran ng Chinese consulate.

Sa una ay nagmatigas si Adalin na wala siyang natatandaan na pagbiyahe sa China subalit kalaunan ay umamin din siya matapos kuyugin ng iba pang senator-judges kabilang sina Senator Tito Sotto, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan.

Tahasan naman inilarawan ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na “nuknukan ng sinungaling” at isang “weakness” si Adalin.

“So doon lang eh, makikita mo na yung testigo nila gusto pang magpalusot. Kaya nga na sinabi ko kanina, ang unang testigo ng defense nuknukan ng sinungaling,” diin ni Chua.

Pinuna ni Chua ang posisyon ni Adalin na ang naisilip ng prosekusyon na real property na idineklara ni Duterte sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nito ay siyang tinutukoy niyang ari-arian na nakapangalan kay Atty. Manases Carpio, ang mister ng nasasakdal.

Giit ng Davao City assessor, magkatulad ang lokasyon ng barangay at ang assessed fair market value ng property na idineklara ni Duterte subalit hindi ito lumusot sa prosekusyon dahil P6-million ang selling price na nakalagay sa property-transfer document habang P10-million ang halagang nilagay ng akusado sa SALN nito.

“Kaya nga na sinabi ko kanina, ang unang testigo ng defense nuknukan ng sinungaling,” ani Chua. 

By ..

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *