BAKASYON muna ang isang alkalde mula sa lalawigan ng Cavite matapos patawan ng anim na buwang suspensyon matapos mahuli sa akto habang nagsusugal sa isang casino sa Bacolod City noong Marso ng kasalukuyang taon. Sa kalatas ng Office of the Ombudsman, pinatawan ng 6-month preventive suspension si Rosario, Cavite Mayor Jose Voltaire Ricafrente. Batay sa kautusan ng Ombudsman, hindi rin muna pwede tumanggap ng sweldo ang sinuspindeng alkalde, habang dinidinig ang mga kasong Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service na inihain laban kay Ricafrente. Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Ombudsman Field Investigation Office I na inatasan mag-imbestiga hinggil sa umano’y kinahuhumalingan pagsusugal. Ayon sa imbestigasyon, pumasok umano si Ricafrente sa isang hotel noong Marso 14, kasama ang apat na iba pang indibidwal. Dito na nakuhanan ng video ang pagsusugal ni Ricafrente gamit ang P30,000 halaga ng casino chips. Babala ng Ombudsman sa iba pang opisyal sa pamahalaan, mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno, magsugal — o kahit pumasok lang sa mga casino, alinsunod sa Memorandum Circular No. 06, series of 2016. Paglilinaw ng Ombudsman, hindi parusa ang preventive suspension at hindi ito nangangahulugan na napatunayang may pananagutan ang alkalde. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Paggalang sa tradisyon ng mga katutubo, hirit ng solon