HINDI nakalusot kay kamatayan ang isang huwes matapos ratratin ng bala ng mga armadong suspek na sakay ng motorsiklo sa Zamboanga City, Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Basilan Regional Trial Court Judge Joseph Wee Sit na nasawi bunsod ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa isang kalatas, kinondena ni Basilan Governor Mujiv Hataman ang pamamaslang kay Judge Wee Sit.

“Isang malaking kawalan ang sinapit ni Judge Wee Sit, hindi lamang para sa kanyang pamilya at mga mahal sa buhay, kundi maging sa hanay ng hudikatura at sa buong pamayanang naninindigan para sa katarungan at paghahari ng batas,” wika ni Hataman.

Sa imbestigasyon ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), nangyari ang pamamaril bandang alas-5:25 ng umaga sa Tumaga Putik Road sa Barangay Tumaga.

Agad naman isinugod sa ospital ng mga rumespondeng tauhan ng Police Station 7 ang duguang biktima. Gayunpaman, binawian ng buhay ang huwes pagdating sa pagamutan.

Samantala, pinaigting ng pulisya ang pagtugis sa mga salarin.

“The ZCPO assures the public that this incident is being treated with utmost urgency and that all necessary lawful measures will be undertaken to bring those responsible to justice,” pahayag ng Zamboanga City Police.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *