Ni LILY REYES
PAGSAPIT ng unang araw ng Pebrero, hindi bababa sa 50,000 traffic enforcers ang ikakalat ng Land Transportation Office (LTO) sa mga lansangan ng Metro Manila bilang hudyat ng pagtugis sa mga pampasaherong jeep na hindi tumalima sa PUV consolidation program ng gobyerno.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, kabilang din aniya sa puntirya ng LTO-deputized traffic personnel ang nasa 20,000 pampasaherong jeep na hindi nakarehistro sa pinamumunuan ahensya.
Paliwanag ni Mendoza, itinuturing na kolorum na ang mga pampasaherong jeep na hindi pasok sa PUV Consolidation Program na ikinasa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“So saan napunta ang 20,000 plus na may franchise. So maaaring hindi ‘yan nag-consolidate o hindi na nagrehistro o colorum na sila ngayon kaya nga isa ‘yan sa titingnan namin” wika ng LTO chief.
Kumpiyansa naman si Mendoza na walang anumang aberya ang gagawing operasyon kaugnay ng PUV Modernization Program, lalo pa aniya’t may sapat na impounding area naman di umano ang LTO sa may South MOA, Carmona, Maynila at Quezon City.
Gayunpaman, inamin ni Mendoza na puno na ng impounded vehicles ang espasyong sa punong tanggapan ng ahensya.
Panawagan ni Mendoza sa mga may-ari ng mga pampasaherong sasakyan na hindi na consolidate – magtungo sa LTFRB para i-drop ang prangkisa nang sa gayon ay mairehistro sa LTO bilang private vehicle.
