
Ni Romeo Allan Butuyan II
IMINUMUNGKAHI ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na alisin na ang pagpresenta ng mga senior citizen ng kanilang ‘booklet’ para mabigyan ng diskuwento sa pagbili ng iba’t-ibang pangunahing produkto.
Sa isinagawang moto propio inquiry ng House Committee of Ways and Means patungkol sa pagpapatupad ng batas at iba pang polisiya para sa iba’t-ibang benepisyo para sa senior citizens at person with disabilities (PWDs), binigyan-diin ni Tulfo na ang pagdala o pagpresinta ng senior citizens ng booklet ay dagdag pahirap pa sa mga ito.
“I think we have to go away with the booklet because this is useless,” tahasang sabi pa ng ranking House official. “Pangalawa sir, this is an insult to all the senior citizens kasi parang tinitingnan ng mga merchants ng mga business establishment na mga manloloko ang mga senior citizen natin kaya they have to own a booklet. Hindi pa ba enough yung kanilang mga senior citizen ID. The mere fact na mayroon silang senior citizen IDs it identifies them as a senior citizen,” dagdag ni Tulfo.
Ani Tulfo, hindi malayong kadalasan ay nakalilimutan ng senior citizens na dalhin ang kanilang purchase booklet kung kaya hindi nabibigyan ng diskuwento kapag mamimili sa supermarkets, convenience stores, drug stores at iba pang commercial establishments.
“Mayroon ngang nai-issue na booklet pero hindi nila nadadala because of the “senior moments” that is the problem pagdating nila ng cashier sasabihin na kailangan ng booklet. So yung kawawang senior citizen iiwan yung pinamili niya kasi kailangan niyang balikan pa,” saad ng kongresista.
“Pangalawa yung laging duda, na niloloko kami ng matanda na ito na baka ibinebenta (yung binili nila). Will it close your business kapag may isang senior citizen na niloko kayo, hindi naman po di ba?,” dugtong niya. Sinang-ayunan naman ni Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, ng United Senior Citizens partylist, ang mungkahi na ito ni Tulfo.
“I find it useless na ipakita ang booklet. Bakit pa kailangang ipakita kung ano purchase mo. Useless ang booklet,” sabi ng lady lawmaker.
Samantala, muli ring isinulong ni Tulfo ang naunang rekomendasyon ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo na pag-aralan at bumuo ng bagong polisiya hinggil sa senior citizen discount maging sa online delivery services at ride-hailing application.
“The law was passed more than 10 years ago. Naglabasan lamang itong mga Grab at mga hailing companies na ito during pandemic so hindi sila naisama sa batas natin. So there is really something wrong with this law and we have to review this law,” paggigiit ni Tulfo.