Ni Jam Navales
KAHIT umano hindi mangolekta ng kontribusyon ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa loob ng isang taon ay mayroon itong sapat na pondo para itaas ang medical benefits na ipinagkakaloob nito. Ito ang tahasang sinabi ni House Committee on Health Vice-chairman at AnaKalusugan Partylist Rep. Ray Reyes kasabay ng kanyang panawagan na bigyan ng prayoridad ng pamahalaan ang pagpapalakas sa healt care service program nito.
Ayon sa neophyte pro-health advocate solon, sa naging budget deliberation ng Kamara kamakailan, nadiskubre niya na mayroong P200 billion na excess funds ang PhilHealth, na mataas sa normal operation cost nito.
“Ibig sabihin kahit na isang taon hindi makakolekta ang Philhealth ay may pera pa rin sila,” pagbibigay-diin pa ni Reyes.
“Tumataas ang Philhealth premium pero hindi naman tumataas ang case rate. Ang tagal din ng service at ang liit ng coverage. Dapat ibigay na lang ang perang ito sa tao at sa Universal Healthcare,” paggigiit ng kongresista.
Ang pahayag ay ginawa ni Reyes bilang reaksyon na rin sa resulta ng survey ng OCTA Research group na nagpapakita na ang kalusugan ang nanatiling ‘most urgent personal concern’ ng mga Pilipino.
“It is no surprise that health remains the top priority of our kababayans. We in government should waste no time in working to ease this growing concern,” tugon pa rito ng AnaKalusugan party-list congressman.
“Fine tuning and implementing necessary improvements to Universal Healthcare (UHC) Act should be a priority to provide our kababayans with greater access to high quality health services and treatments,” panawagan naman ni Reyes.
Hinimok din ni Reyes ang PhilHealth na resolbahin ang programa sa members registration at proseso sa pagkuha ng benefit package na ipinagkakaloob nito, na isa umano sa hadlang para sa mas epektibong pagpapatupad ng UHC.
“Under the UHC, lahat ng Pilipino miyembro na ng Philhealth. So bakit pahirapan pagdating sa mga ospital. Hindi ba dapat isang valid ID lang sapat na?” ani Reyes. “Bakit kailangan pa natin pahirapan yung mga taong nagtatrabaho nang maigi para lang makuha ang serbisyo na dapat nakalaan sa kanila,” pagbibigay-diin ng kongresista.
