HINDI mangingimi bumaba sa pwesto ang kontrobersyal na kongresista mula sa Cavite sakaling mapatunayan hindi siya karapat-dapat manungkulan bilang Kinatawan ng ikaapat na distrito ng nabanggit na lalawigan.
Ginawa ni Cavite 4th Dist. Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ang pahayag bilang reaksyon sa napipintong paghahain ng reklamo ng mga dating kapartido sa House ethics committee. Partikular na tinukoy ng batanga kongresista ang bwelta ng National Unity Party (NUP) sa pangunguna ni Deputy Speaker at Antipolo 1st District Rep. Ronaldo Puno.
Ayon kay Barzaga, anak ng yumaong Congressman Elpidio Barzaga, walang dahilan para tanggalin siya sa talaan ng mga kongresista, lalo pa aniya’t wala naman anumang siyang malubhang karamdaman na magiging sagabal sa kanyang panunungkulan.
Nagpahayag din ng kahandaan si Barzaga magsumite ng medical record kung ipag-uutos ito ng hukuman.
Ani Barzaga ititigil niya ang mag-post sa social media kabilang ang pagkastigo sa liderato ng Kamara kapag idineklarang ng gobyerno ang karapatang bumatikos bilang unconstitutional at illegal.
Dagdag ng 27-anyos na mambabatas, handa rin siyang tanggapin anuman ang magiging desisyon ng House Committee on Ethics and Privileges sa sinasabing paglabag niya sa Code of Conduct of the House of Representatives.
Samantala, ibinida ni Barzaga ang pagkatig ng ilang miyembro ng Kamara sa kanyang paninindigan. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
